Biyernes, Pebrero 28, 2025

ALANG-ALANG SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Marso 2025 
Kapistahan ng Kabanal-Banalang Mukha ni Jesus Nazareno 
Martes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Sirak 35, 1-15 (gr. 1-12)/Salmo 49/Marcos 10, 28-31 


Lagi nating naririnig ang mga salitang "Mahirap ang buhay." Ang mga salitang ito na madalas nating marinig, kung hindi palagi, ay tunay ngang malaman. Buong linaw na inilarawan sa mga salitang ito ang katotohanan tungkol sa buhay dito sa daigdig. Sa paglipas ng bawat araw, lalo lamang nagiging malinaw sa atin ang katotohanang ito. Tila walang katapusan ang mga paghihirap at pagdurusa sa buhay sa lupa, maliban na lamang kung isa kang makapangyarihang tao sa lipunan. Lalo lamang yumayaman ang mga mayayaman at lalo lamang nahihirapan ang mga maralita. Bukod pa roon, lalo lamang lumalaganap at umiiral ang katiwalian at kasamaan. 

'Di hamak na mas madaling tanggapin ang katotohanang ito tungkol sa buhay dito sa lupa. Wala tayong magagawa kundi pagmasdan ang kapaligiran. Ganyan ang buhay. Minsan mabilis; minsan mabagal. Ang daming kahirapan. Hindi na mabilang ang dami ng mga tukso at pagsubok. Kung mayroong mga sandali ng katuwaan, kasiyahan, at kaginhawaan sa buhay, hindi ito tumatagal. Laging may hinagpis at panaghoy - kung hindi man palagi, madalas. 

Pati ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, hindi ipinagkaila ang katotohanan ng buhay sa lupa. Katunayan, ang Kaniyang tugon sa pahayag ng mga alagad sa Ebanghelyo ay sumasalungguhit sa katotohanang ito. Hindi madali ang buhay sa lupa. Mahirap ang buhay, lalung-lalo na para sa lahat ng mga tapat na tagasunod at lingkod ng Poong Jesus Nazareno. Itatakwil at uusigin ng karamihan sa lipunan ang lahat ng mga sumusunod sa Poong Jesus Nazareno nang buong katapatan. Tila lalo lamang nadadagdan ang hirap at kalupitang haharapin at dadanasin ng bawat taong magpapasiyang sumunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Sa kabila ng kalupitan at hirap ng buhay sa lupa, may pakiusap ang Inang Simbahan para sa atin. Lagi tayong pinakikiusapan at pinaalalahanan ng Inang Simbahan na manatiling tapat sa ating pagsunod sa Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang buong katapatan, gaano mang kahirap at kalupit ang buhay sa lupa, buong linaw nating ipinapahayag na nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang lubusan. 

Inihayag ni Sirak sa Unang Pagbasa na nalulugod ang Panginoong Diyos sa isang uri ng handog. Ang nasabing handog ay walang iba kundi ang taos-pusong pagsunod. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Panginoong Diyos nang taos-puso, pinatutunayan ng lahat ng mga tapat na tagasunod at lingkod ng Panginoong Diyos na nananalig at umaaasa sila sa Kaniya nang lubusan. Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na ililigtas at sasagipin ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga susunod sa Kaniya nang taos-puso. Nagsalita rin tungkol sa pangakong ito ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Pagkakalooban Niya ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Tunay ngang mahirap at malupit ang buhay sa mundo. Ito ang katotohanan. Subalit, kung mananatiling tapat tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa huling sandali ng ating buhay sa mundo, gaano mang kahirap ito, makakapiling natin Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. Ang pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso hanggang sa huling sandali ng pansamantala nating pananatili sa mundong ito ang magpapatunay na lubusan tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Huwebes, Pebrero 27, 2025

PUSONG UMAAASA SA DIYOS

2 Marso 2025 
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45 


Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa pagiging bukas sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Panginoong Diyos lamang nagmumula. Tayong lahat ay laging pinaalalahanan ng Inang Simbahan na sa Panginoong Diyos lamang nagmumula ang biyayang ito. Katunayan, ang Diyos mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi matatagpuan o masusumpungan ang tunay na pag-asa sa mundo. Sa Diyos lamang natin ito matatagpuan at masusumpungan. Kusang-loob pa ngang ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang biyayang ito. 

"Totoong kalugud-lugod ang magpasalamat sa D'yos" (Salmo 91, 2a). Buong linaw na isinalungguhit ng mga salitang ito ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan kung paano maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Diyos ay nalulugod sa lahat ng mga nagbubukas ng buo nilang puso at sarili sa Kaniya. Sa pamamagitan ng pagbukas ng kanilang mga puso sa Kaniya, inihahayag nilang umaaasa sila sa Kaniya. Dahil sa Diyos silang umaaasang tunay, ang laman ng kanilang mga puso ay walang hanggang papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kaniya. Lagi nilang isinasabuhay ang laman ng kanilang mga puso sa bawat sandali ng kanilang buhay sa mundo, gaano mang kahirap itong gawin dulot ng mga matitinding tukso at pagsubok sa mundo. 

Nalulugod ang Diyos sa mga may pusong umaaasa sa Kaniya. Ang mga may pusong umaaasa sa Diyos ay namumuhay ayon sa Kaniyang kalooban at naisin. Wala silang ibang hangarin kundi ang maging kalugud-lugod sa Diyos na kanilang inaaasahan at pinananaligan. Lagi nilang isinasabuhay ang kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos. Binubuksan nila ang kanilang mga puso sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Sa tuwing silang lahat ay Kaniyang pinagmamasdan mula sa maluwalhating kaharian ng langit, ang Diyos ay napupuspos ng tuwa. 

Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa dapat nating asahan - ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Nagtagumpay ang Panginoong Jesus Nazareno laban sa mga puwersa ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Ang bunga ng tagumpay ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang ating kaligtasan. Dahil diyan, ang tagumpay ng Panginoong Jesus Nazareno ay tagumpay rin natin. Kaya, sa Panginoong Jesus Nazareno lamang tayo dapat umasa. Buksan natin ang buo nating sarili sa tunay na pag-asang Kaniyang kaloob upang ang ating mga puso ay maging mga pusong umaaasa sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ang ugnayan ng mga salita sa nilalaman ng puso ng isang tao. Kung ano ang bukambibig ng isang tao, ito ang nasa kaniyang puso. Ito rin ang buong linaw na isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang laman ng puso ng isang tao ay nahahayag sa pamamagitan ng mga salitang kaniyang binibigkas at isinasabuhay. 

Kung nais nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, buksan natin ang ating mga puso sa Kaniya. Maging bukas tayo sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hayaan Niyang baguhin ang ating mga puso upang ang mga ito ay maging mga pusong tunay ngang umaasa sa Kaniya. 

Sabado, Pebrero 22, 2025

TAPAT AT MAAASAHAN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

28 Pebrero 2025 
Biyernes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Sirak 6, 5-17/Salmo 118/Marcos 10, 1-12 

LIVE: Banal na Misa para sa Pagdalaw ng Anak sa Ina | November 28, 2024 | 8AM Mass (YouTube)


Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno na itinampok sa Ebanghelyo ay nakasentro sa Sakramento ng Pag-Iisang-Dibdib o Kasal. Subalit, ang pahayag na itinampok sa Unang Pagbasa ay nakasentro sa pagbubuo ng mga ugnayan at paghahanap ng mga tapat at mabuting kaibigan. Bukod pa roon, ang Salmong Tugunan ay nakasentro sa pagiging masunurin sa mga loobin at utos ng Panginoong Diyos. Tila malayo sa isa't isa ang mga paksang tinalakay ng mga pangaral sa mga nasabing Pagbasa. Mayroon bang ang mga ito? Paano ba maiuugnay sa isa't isa ang mga ito?

Lagi tayong pinaaalalahanang piliing mabuti ang ating mga kakaibiganin. Kailangang maging mapanuri sa pagpili ng ating mga kakaibiganin. Dapat saliksiking mabuti ang ating mga makakasalamuha bago tayo magpasiya kung dapat ba tayong bumuo ng ugnayan sa kanila. Tandaan, hindi natin mapagkakatiwalaan at maaasahan ang lahat ng mga tao sa lupa. Mayroon pa ring mga tuso at mapagsamantala. Ito ang dahilan kung bakit kailangan tayong maging maingat sa pagbuo ng mga ugnayan. 

Sa pakikipagkaibigan at pagbuo ng mga ugnayan sa isa't isa, kailangan nating maging tapat at maaasahan. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno ay mayroong mahalagang responsibilidad na isalamin, itaguyod, ibahagi, at ipalaganap ang biyaya tunay na pag-asang kusang-loob Niyang ipinasiyang ibigay sa bawat isa sa atin. Hindi tayo dapat maging tuso, mapanlinlang, at mapagsamantala. Bagkus, dapat nating isalamin ang pagiging tapat at maaasahan ng Poong Jesus Nazareno. Ipinasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na bahaginan tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Kaya naman, dapat tayong maging tapat at maaasahan, gaya ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Hindi tayo binigo at siniphayo ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kailanman. Kaya naman, habang ang bawat isa sa atin ay nakikipagkaibigan at bumubuo ng mga mahahalagang ugnayan sa kapwa, ang tunay na pag-asang ibinibigay lamang sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat nating isalamin, ibahagi, at ipalaganap. 

Biyernes, Pebrero 21, 2025

KAPAYAPAANG DULOT NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Pebrero 2025 
Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Ika-39 na Anibersaryo ng Himagsikan ng Lakas ng Bayan sa EDSA 
Sirak 2, 1-13 (gr. 1-11)/Salmo 36/Marcos 9, 30-37


 

Maraming titulo ang Poong Jesus Nazareno. Isa sa Kaniyang mga titulo ay walang iba kundi ang titulong "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Sa titulong ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay nagdudulot ng tunay na kapayapaan. Hindi gaya ng kapayapaang dulot ng mundo ang kapayapaang dulot sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagkus, ang kapayapaang hatid Niya sa atin ay ang tunay na kapayapaan. 

Ang pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos ay buong linaw na isinalungguhit sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Isa lamang ang nais isalungguhit sa pangaral ni Sirak sa Unang Pagbasa at ng awit ng papuri ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Maaasahan natin sa bawat sandali ng pansamantala nating pamumuhay at paglalakbay sa lupa ang Panginoong Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ay lagi nating maaasahan. Bakit lagi Niyang ipagkakaloob sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asa kung hindi naman Siya maaasahan? Kusang-loob pa nga Niya ito ginagawa. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol kung paano Niya ipagkakaloob ang tunay na kapayapaan at ang tunay na pag-asa sa lahat. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay mamamatay sa Krus na Banal at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Ang tunay na kapayapaan at ang tunay na pag-asa na nagmumula lamang sa Kaniya ay Kaniyang ipagkakaloob sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ay kusang-loob Niyang gagawin alang-alang sa atin.

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag mismo ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang dapat nating ipalaganap ang tunay na kapayapaan at tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hindi tayo dapat maging mga tagapagbahagi at embahador ng kasinungalingan at katiwalian. 

Huwebes, Pebrero 20, 2025

NAKAUGAT SA HABAG AT AWA NG DIYOS ANG TUNAY NA PAG-ASA

23 Pebrero 2025 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13.22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 


"Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama" (Lucas 6, 36). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo nakatuon at nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Ipinapaalala sa atin ng Inang Simbahan sa Linggong ito na nakaugat sa habag at awa ng Diyos ang tunay na pag-asa. Hindi magkahiwalay ang habag at awa ng Diyos sa pag-asang Kaniyang dulot sa tanan. Katunayan, maaaring ituring na produkto ng habag at awa ng Panginoon ang pag-asang Kaniyang dulot sa atin. 

Hindi lamang si Jesus Nazareno ang nangaral tungkol sa habag at awa ng Diyos. Ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay nagpahayag rin tungkol sa habag at awa ng Diyos. Sa awit ng papuri na inilahad sa Salmong Tugunan, nagpatotoo tungkol sa habag at awa ng Diyos ang tampok na mang-aawit. Mayroong pag-asa dahil ang Diyos ay tunay ngang mahabagin at maawain. 

Sa Unang Pagbasa, si David ay nagpakita ng habag at awa kay Haring Saul. Kahit na pinagbantaan ni Haring Saul ang buhay ni David, ipinasiya pa rin ni David na maging maawain at mahabagin kay Haring Saul. Hindi niya tinuluyan si Haring Saul. Bagkus, ang haring si Saul ay binigyan niya ng pag-asa. Pinagkalooban ni David si Haring Saul ng isang pagkakataong baguhin ang kaniyang buhay. 

Itinuon ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa bunga ng habag at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Dahil sa habag at awa ng Diyos, ipinagkaloob sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Magiging maluwalhati rin ang ating mga katawan, gaya Niya, dahil sa pag-asang Kaniyang kaloob sa atin. Ang kailangan nating gawin ay maging bukas sa Kaniyang habag at awa na nagdudulot ng pag-asang tunay. 

Dahil sa habag at awa ng Diyos, mayroong pag-asa. Kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyayang ito sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Linggo, Pebrero 16, 2025

SALAMIN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

22 Pebrero 2025 
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro 
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 


Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pablo ay nakasentro sa pagiging bahagi ng pamayanang binuo ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na itatag ang Kaniyang Simbahan upang maging isang pandaigdigang pamayanan para sa lahat ng mga mananampalataya sa bawat panig at sulok ng daigdig na taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Marahil mayroong mga magtataka kung ano ang ugnayan o relasyon ng Luklukan ni Apostol San Pedro sa pagiging bahagi ng tunay na Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang pamayanang kusang-loob Niyang binuo at itinatag para sa lahat ng mga mananalig at aasa sa Kaniya. Hindi ito nangangahulugang hari ang turing natin kay Apostol San Pablo. Bagkus, ang Luklukan ni Apostol San Pedro ay isa lamang sagisag ng kapangyarihang ipinagkaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro at sa kaniyang mga kahalili bilang tagapamahala ng Simbahan na kilala natin bilang mga Santo Papa. Si Apostol San Pedro ang unang Santo Papa. Ito ang dahilan kung bakit ang isa sa mga titulo ng mga Santo Papa ng Simbahan ay Bikaryo ni Kristo. Mga kinatawan sila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mundo. 

Sa Ebanghelyo, ipinagkaloob ng Poong Jesus Nazareno ang mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Ito ay tanda ng kapangyarihang hawak ni Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang pananagutang ito ay napakalaki at napakabigat. Hindi lamang siya kinatawan ng sinumang pinuno sa lupa. Bagkus, ang kaniyang kinakatawan bilang Santo Papa ng Inang Simbahan ay walang iba kundi ang mismong Poong Jesus Nazareno. Ipinagpapatuloy ng lahat ng mga humalili sa kaniya bilang Santo Papa ng tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno ang pananagutang ito. 

Tampok ang isa sa mga pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Sa pangaral niyang ito, ipinaalala niya sa lahat ng mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas, na hindi mga panginoon, amo, at Diyos ang lahat ng mga nangangasiwa sa Simbahan. Bagkus, mga katiwala lamang sila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ay ang bukod tanging Pastol ng Kaniyang Simbahan. 

Gaya ng buong linaw na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop" (Salmo 22, 1). Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay at nag-iisang Pastol ng Simbahan. Kinakatawan Siya ng mga Santo Papa ng Simbahan, magmula kay Apostol San Pedro. 

Hindi biro ang bigat ng pananagutang iniatasan sa Santo Papa ng Simbahan. Kaya, lagi natin silang isama sa ating mga panalangin sa Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, upang lagi niyang maipaalala sa atin na hindi tayo bibiguin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno.

Sabado, Pebrero 15, 2025

KATANGIAN NG MGA TUNAY NA UMAAASA SA DIYOS

21 Pebrero 2025 
Biyernes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 11, 1-9/Salmo 32/Marcos 8, 34-9, 1 


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagsunod sa Kaniya. Pinaalalahanan ng Poong Jesus Nazareno ang lahat na hindi madaling maging Kaniyang mga tagasunod. Mayroong mga bagay na dapat isakripisyo ang lahat ng mga naghahangad na maging Kaniyang mga tagasunod. Sa pamamagitan ng mga sakripisyong ito, ipinapahayag ng Kaniyang mga tagasunod na lubos nga silang nananalig at umaaasa sa Kaniya bilang Panginoon. Tampok naman sa Unang Pagbasa ang salaysay ng toreng hindi kinumpleto sa lungsod ng Babel. Ang wika ng mga tao nang sa gayon ay hindi nila maisakatuparan ang kanilang balak na magtayo ng isang napakalaking tore na abot sa langit. 

Tiyak na may mga magtataka kung ano ang ugnayan ng salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa sa pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa Ebanghelyo. Ano ang ugnayan ng pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa pagsunod sa Kaniya na inilahad sa Ebanghelyo sa salaysay ng hindi binuong tore sa lungsod ng Babel na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa? 

Isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral tungkol sa pagsunod sa Kaniya na inilahad sa Ebanghelyo ang halaga ng kababaang-loob bilang Kaniyang mga tagasunod. Ang kababaang-loob ay nagpapahayag ng pag-asa. Tunay ngang umaaasa sa Diyos ang mga may kababaang-loob. Dahil sa Panginoong Diyos umaaasang tunay ang mga may kababaang-loob, handa silang talikuran at iwan ang lahat ng bagay upang makasunod sa Panginoong Diyos. Ito ang katangiang hindi makikita sa mga taong nagbalak na magtayo ng isang toreng aabot hanggang langit sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan, "Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D'yos" (Salmo 32, 12b). Ang lahat ng mga taos-pusong sumusunod sa Panginoon ay laging nagpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya sapagkat buong kababaang-loob silang nananalig at umaaasa sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi nila sinasayang at binabalewala ang pagkakataong ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila bilang Kaniyang mga hinirang at itinalaga. Wala silang ibang naisin kundi ang maging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos na lubusan nilang pinananaligan at inaaasahan. Kaya, namumuhay silang may kababaang-loob. 

Walang mapagmataas na nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Ang lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay may kababaang-loob. Ito ay dahil ang kanilang buong sarili ay kanilang binubuksan sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil dito, handa silang sundin at paglingkuran ang Diyos.