9 Nobyembre 2025
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Larawan: Álvaro de la Paz Franco, De Fiumicino a Roma (9 June 2025). Wikimedia Commons. CC0 1.0 Universal Public Domain Dedication.
Buong linaw at lakas na ipinahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang ang mga namamalit ng salapi at mga nagbibili ng mga tupa, kalapati, at baka sa Templo sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo: "Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!" (Juan 2, 16). Ikinagalit ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kawalan ng pagpapahalaga sa presensya ng Diyos sa Templo. Dahil sa presensya ng Diyos, ang Templo ay banal. Subalit, ang presensya ng Diyos na dahilan kung bakit ang Templo ay sagrado ay hindi pinahalagahan ng mga tao. Kaya naman, taglay ang galit na banal na bunga ng Kaniyang pag-ibig para sa Amang nasa langit, ang Templo ay Kaniyang nilinis.
Ang liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay napakahalaga. Sa araw na ito, buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma na tiyak na mas kilala ng nakararami sa atin bilang Basilika ng Laterano. Lingid sa kaalaman ng marami, ang Basilika ng Laterano, hindi ang mas kilalang Basilika ni Apostol San Pedro sa Lungsod ng Vaticano, ay ang Ina ng lahat ng mga Katolikong Simbahan sa daigdig. Ito ang Katedral ng Roma. Sa mismong Basilikang ito, matatagpuan ang luklukan ng Santo Papa na may hawak ng titulong Obispo ng Diyosesis ng Roma.
Habang ipinagdiriwang ng Simbahan sa buong daigdig ang Kapistahang ito na tunay ngang napakahalaga para sa bawat mananampalataya, isinasalungguhit nang buong linaw ang tanging dahilan kung bakit ang mga bahay-dalanginan ay banal. Banal ang mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan dahil sa presensya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos.
Sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang pagiging bukal ng Templo. Niloob ng Diyos na gawing bukal ng Kaniyang mga biyaya ang Templo. Pinadadaloy Niya mula sa Templo ang Kaniyang mga biyaya. Ito rin ang katotohanang isinalungguhit ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Dumadaloy mula sa Templo ang mga biyaya ng Diyos dahil nais Niyang makilala Siya ng lahat bilang bukal ng tunay na pag-asa. Hangad ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos na ang lahat ay manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo na itinalaga tayong lahat bilang mga templo ng Espiritu Santo. Tayong lahat ay itinalaga bilang mga templo ng Espiritu Santo dahil nais ng Diyos na maipalaganap sa lahat ang Kaniyang mga biyaya.
Itinayo ang mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan upang tayong lahat ay paalalahanan tungkol sa dulot ng presensya ng Diyos. Ang lahat ay nagiging banal dahil sa presensya ng Diyos. Dahil sa presensya ng Diyos, ang mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan ay banal. Kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na gawing sagrado ang mga bahay-dalanginan dahil nais Niyang lapitan tayo upang anyayahan tayong maging bahagi ng Kaniyang Simbahang nananalig at umaaasa sa Kaniya nang lubos. Nais Niyang maipalaganap ang Kaniyang mga biyaya upang ang lahat ay tunay ngang maakit sa Kaniya. Sa gayon, mapupukaw silang lahat na manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso.