Huwebes, Abril 3, 2025

LAGING MAAASAHAN ANG DIYOS

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAPITONG HULING WIKA (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 

Habang naghihingalo sa Krus na Banal, nag-iwan ng isang napakahalagang aral para sa Simbahan ang Poong Jesus Nazareno. Ipinahayag ng Poong Jesus Nazareno kung gaano kahalaga para sa Kaniya ang Kaniyang Simbahan. Kahit na nakapako sa Banal na Krus, tinuruan pa rin ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Simbahan. Bagamat labis Siyang nagdurusa, nahihirapan, at nag-aagaw-buhay sa mga oras na iyon, ang Poong Jesus Nazareno ay nag-iwan  ng isang napakahalagang aral para sa Kaniyang tunay na Simbahan. Ang aral na ito ay walang iba kundi ang pagiging maaaasahan ng Diyos. Lagi nating maaasahan ang Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Ang pagiging maaasahan ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig ay buong linaw na isinalungguhit ng Ikapito at Huling Wika ng Poong Jesus Nazareno sa Krus. Bago Siya tuluyang malagutan ng hininga habang nakapako sa Krus na Banal, ipinagkatiwala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kaluluwa sa Ama. Katunayan, hango mula sa ika-31 kabanata ng aklat ng mga Salmo ang Ikapito at Huling Wika ng Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagbigkas sa mga salitang ito kung saan ipinagktiwala Niya sa Amang nasa langit ang Kaniyang Espiritu (o kaluluwa sa ibang mga salin), itinuro sa atin ng Poong Jesus Nazareno na mayroon tayong magpagkakatiwalaan sa bawat sandali at yugto ng ating buhay sa lupa - ang Diyos.

Walang taong binigo ang Panginoong Diyos kailanman. Sa bawat yugto at kabanata ng kasaysayan ng mundong ito, paulit-ulit na inihayag at pinatunayan ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pagiging maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi nambibigo ang Diyos kailanman. Pinatunayan ito ng lahat ng mga kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit. Laging maaasahan at mapagkakatiwalaan ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. 

Bagamat naghihingalo at nag-aagaw-buhay sa Krus na Banal sa mga sandaling ang wikang ito ay Kaniyang binigkas, iminumulat tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pagiging maaasahan at mapagkakatiwalaan ng Diyos. Sa Kaniya tayo manalig at umasa. Lagi natin Siya mapagkakatiwalaan at maaasahan. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. Ganyan tayo kahalaga sa bukal ng tunay na pag-asa. 

Miyerkules, Abril 2, 2025

KUSANG-LOOB ANG KANIYANG PAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30): 
"Naganap na!" 


Walang obligasyon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa buong sangkatauhan. Hindi naman Niya kinailangang magpakasakit at mag-alay ng Kaniyang buong sarili sa Krus alang-alang sa sangkatauhan. Kung niloob lamang Niya, nanatili na lamang Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit kung saan maaari Siyang magpakasarap. Ang kapahamakan ng lahat ng tao ay maaari na lamang Niya pagmasdan habang buong ginhawa Siyang nakaluklok sa Kaniyang maringal na trono sa langit. 

Subalit, kahit na hindi tayo dapat pahalagahan dahil sa ating pagiging makasalanan, tayong lahat ay pinahalagahan pa rin ng Poong Jesus Nazareno. Bagamat hindi Niya kailangang gawin iyon, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin. Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang gawin ito, kahit hindi naman Siya obligadong isagawa iyon, ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Niloob Niyang pahalagahan tayo. 

Ang Ikaanim na Wika ni Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal ay isang malinaw na pahayag ng Kaniyang taos-pusong pasiya. Pinahahalagahan tayo ni Jesus Nazareno. Bagamat mga makasalanan tayo, lubos pa rin Niya tayong pinahahalagahan. Ito ang dahilan kung bakit kusang-loob Siyang nagpakasakit at namatay sa Krus na Banal upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan nito, dinulutan Niya tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.

Pinahalagahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Huwag natin itong balewalain. 

Martes, Abril 1, 2025

ANG UHAW NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako." 


Marahil ay nasanay na tayo sa larawan ni Jesus Nazareno bilang tagapagbigay. Kung tutuusin, ito ang dahilan kung bakit naparito sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Si Jesus Nazareno ay kusang-loob na naparito sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang magbigay. Ang bigay o kaloob ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ibinigay Niya sa lahat ng mga tao ang dakilang biyayang ito sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila. 

Subalit, mayroon ring larawan ang Panginoong Jesus Nazareno na madalas na hindi napapansin. Katunayan, Siya mismo ang gumuhit sa larawang ito ng Kaniyang sarili. Ang larawang ito ay ang larawan ng Panginoong Jesus Nazareno na mayroong mga hiling. Iginuhit ng Panginoong Jesus Nazareno ang larawang ito ng Kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbigkas ng Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagkauhaw. 

Hindi lamang pisikal na pagkauhaw ang tinutukoy ng Poong Jesus Nazareno. Bukod sa pisikal na pagkauhaw dulot ng anim na oras na pagkabayubay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo, ang pagkauhaw na buong linaw na tinutukoy ng tunay na Diyos na naging tunay na tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang taos-pusong pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang idinudulot Niya sa tanan nang kusang-loob. Sa pamamagitan ng Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus, ang Poong Jesus Nazareno ay nakikiusap sa atin. Ang Kaniyang pakiusap sa atin ay tanggapin ang dakilang biyayang ito. Nais Niya tayong iligtas. Ito ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa lupa. 

Walang mag-aakalang makikiusap sa sangkatauhan ang isang bathala na tanggapin nang taos-puso ang isang biyayang kusang-loob Niyang idinudulot 'pagkat hindi iyan ginagawa ng sinumang bathala, sa pananaw ng sanlibutan. Pinatunayan ng tunay na Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na mali ang pananaw at lohika ng sanlibutan. Kahit na walang kailangang hilingin ang Mahal na Poon sa mga tao dahil mayroon naman Siyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos na gawin ang anumang Kaniyang naisin, ipinasiya pa rin Niyang makiusap sa atin. Subalit, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makiusap sa atin dahil hangad Niyang mapabilang tayo sa Kaniyang mga makakapiling sa Kaniyang kaharian sa langit. 

Isa lamang ang pakiusap ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa atin - tanggapin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya nang taos-puso. Hayaan nating magdulot ito ng pagbabago sa ating buhay. Sa gayon, makakapamuhay ang bawat isa sa atin nang naayon sa mga utos at loobin ng Diyos.