Lunes, Abril 2, 2018

ANG PINAKADAKILANG GAWA

4 Abril 2018
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pagpapagaling sa isang lalaking ipinanganak na lumpo. Ang pulubing ipinanganak na lumpo ay pinagaling ni Apostol San Pedro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kabanal-banalang Pangalan ni Kristong Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ni Apostol San Pedro, nahayag ang kapangyarihan ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay. Ang kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay na si Hesukristo ang nagdulot ng kagalingan sa naglilimos na pulubing ipinanganak na lumpo. Si Apostol San Pedro ay nagsilbing instrumento ni Kristo; siya'y nagsilbing daluyan ng kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay. Dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na ibinahagi naman ni Apostol San Pedro, ang lalaking lumpo ay tumayo't lumakad. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paglalakbay ng Muling Nabuhay na si Hesus kasama ang dalawa sa Kanyang mga apostol patungong Emaus. Habang sila'y naglalakbay sa daan, ibinahagi ng dalawang alagad kay Hesus ang lahat ng kanilang mga hinanakit tungkol sa Kanya. Hindi pa nalalaman ng dalawa na si Hesus pala ang kanilang kausap. Akala nilang isang dayong estranghero ang kanilang kausap at kasama. Nang pinaghati-hati ni Hesus ang tinapay sa hapag-kainan, doon lamang nakilala ng dalawa na Siya pala yung kasama nila sa daan. Hindi na patay si Hesus. Hindi Siya nanatili sa loob ng libingan. Tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ang lahat ay hindi nagwakas sa kamatayan ni Hesus. May dahilan kung bakit namatay ang Panginoong Hesus. Kinailangan Niyang pagdaanan ang pagdurusa't kamatayan sa krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Ito'y unang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan at ipinaliwanag sa kanila ni Hesus habang sila'y naglalakbay patungong Emaus. 

Maraming ginawang dakilang bagay ang Panginoong Hesukristo. Subalit, walang hihigit pa sa kadakilaan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga ginawa. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nakamit Niya ang kaluwalhatian at tagumpay. Ang lahat ng mga inihayag ukol sa Kanya sa Lumang Tipan ay nagkaroon ng katuparan. Siya ang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Iniligtas Niya ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang ating sinasampalatayanan nang buong puso't kaluluwa bilang sambayanan ng Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ang nagpapatunay na Siya ang Diyos na tunay na mahabagin at mapagmahal sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento