Martes, Abril 3, 2018

SIYA NGA

5 Abril 2018
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48


Muling nangaral sa taumbayan si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa tungkol sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Matapos mapagaling ang lalaking ipinanganak na lumpo, nilinaw ni Apostol San Pedro sa taumbayan na hindi siya ang may kagagawan noon. Hindi nakatayo't nakalakad na rin sa wakas ang pulubing lumpo mula sa kanyang pagsilang dahil sa kanya. Nakalakad siya dahil sa Muling Nabuhay na si Hesus. Si Hesus na Nabuhay na mag-uli ang nagpagaling sa lumpo. Siya, ang Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos, ang nagdulot ng kagalingan sa lumpo. Siya'y pinatay ng Kanyang mga kaaway ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Taliwas sa mga iniisip ng karamihan noong kapanahunang yaon, ang Nazarenong si Hesus na pinatay sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Ang Muling Nabuhay na si Hesus ang paksa ng pangangaral at pagpapatotoo ng mga apostol. 

Pinatotohanan ng mga apostoles ang kanilang nakita. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa kanila. Akala nila noong una na multo ang kanilang nakikita. Subalit, tiniyak ng Panginoong Hesus sa mga apostol na Siya nga talaga ang kanilang nakikita. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga kamay at paa. Kumain pa nga si Hesus sa harapan nila upang patunayan na Siya nga talaga ang kanilang nakikita. At sa katapusan ng Ebanghelyo, iniutos Niya sa mga apostol na dapat nilang patotohanan ang kanilang mga nakita. Ang mga apostol mismo ang magpapatotoo tungkol kay Kristo Hesus na Muling Nabuhay sa lahat ng dako. At iyon nga ang kanilang ginawa. 

Ang mga apostol ay hinirang upang mangaral at magbigay ng patotoo tungkol kay Hesus. Si Hesus ang Mesiyas na ipinagkaloob ng Diyos. Siya ang tinutukoy ng mga propeta ng Matandang Tipan sa kanilang mga propesiya tungkol sa Tagapagligtas na ipinangako. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang tayo'y tubusin dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya'y pinatay ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. At Siya'y nagpakita sa mga apostol upang ang lahat ay manalig at sumampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at pagpapatotoo. Si Hesus nga ang Panginoong nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang pinatotohanan at sinasampalatayanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento