Lunes, Abril 9, 2018

MAGANDANG BALITA

9 Abril 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Karaniwang ipinagdiriwang ang Pistang ito tuwing ika-25 ng Marso. Subalit, inilipat sa araw na ito ang pagdiriwang ng Dakilang Pistang ito sapagkat tumapat ang Linggo ng Palaspas sa ika-25 ng Marso ngayong taon. Subalit, iisa pa rin ang nais pagtuunan ng pansin ng Pistang ito. Ang misyon ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang nais pagtuunan ng pansin sa araw na ito. Ito ang paksang sinusuri sa mga Pagbasa para sa Dakilang Pistang ito. Bakit nga ba pumarito sa daigdig ang Panginoong Muling Nabuhay? Ano nga ba ang Kanyang misyon? 

Ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay pumarito sa sanlibutan ay inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Naparito ang Panginoong Hesus upang tuparin ang kalooban ng Ama. Niloob ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Si Hesus ay sinugo ng Ama upang maging Mesiyas at Manunubos ng lahat ng tao. Ang misyong ito ay buong kababaang-loob na tinanggap at ginampanan ni Kristo sa Kanyang pagpanaog sa sanlibutan. Bilang Mesiyas at Manunubos, iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.

Iyan ang Magandang Balitang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang Magandang Balitang ito'y inihayag sa anyo ng isang propesiya. Ang sanggol na ipaglilihi't iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bago pa mang maganap ang kahit isa sa mga kaganapang iyon, ito'y inihayag na ng Diyos sa Kanyang bayan. Isang sanggol na lalaki na iluluwal ng isang dalaga mula sa kanyang sinapupunan ay ibibigay ng Diyos. Sa pamamagitan ng sanggol na lalaking ito, mamamasdan ng lahat sa buong daigidig ang dakilang pagliligtas ng Panginoong Diyos. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang katuparan ng propesiyang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias na inilahad sa Unang Pagbasa. Isang dalagang taga-Nazaret na nagngangalang Maria ay hinirang ng Diyos upang maging tagatupad ng propesiya. Ibinalita ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria na siya ang hinirang ng Diyos upang maging Ina ng Mesiyas. Magmumula sa kanyang sinapupunan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesukristo. Ipaglilihi't iluluwal ng Mahal na Birheng Maria mula sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesukristo na Siyang magliligtas sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Kagalakan ang hatid ng Magandang Balitang ito sa bawat isa. Ang sangkatauha'y iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. Si Kristo ay nagpakasakit sa kamay ng Kanyang mga kaaway at namatay sa krus ngunit hindi nanatili sa loob ng libingan sapagkat Siya'y nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ang sangkatauhan ay iniligtas at pinalaya. Ito ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay pumarito sa daigdig. Ang Panginoong Hesus ay pumarito sa daigdig upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Ang Mahal na Inang si Maria ay pinili't hinirang ng Diyos upang ipaglihi't iluwal mula sa kanyang sinapupunan ang sanggol na lalaking si Hesus na magliligtas sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.

Ang Panginoong Hesus at ang Mahal na Inang si Maria ay binigyan ng misyon. Buong kababaang-loob Nilang tinalima at tinupad ang misyong ibinigay sa Kanila ng Ama. Sa pamamagitan ng Kanilang pagtupad sa kalooban ng Ama, nahayag ang kadakilaan ng Diyos sa sangkatauhan. Si Maria, tinanggap ang papel ng pagiging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Si Hesus, tinanggap ang papel ng pagiging Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan; tinanggap at hinarap ang Kanyang kamatayan sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. At hindi Siya nanatili sa loob ng libingan sapagkat Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nagkaroon ng saysay ang Kanyang kamatayan sa krus; nakumpleto ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Ang kadakilaan ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang Mabuting Balitang sinasampalatayanan at pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento