Huwebes, Abril 5, 2018

MISYONG BIGAY

7 Abril 2018 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15


Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, isinugo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang mga apostol upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita. Ang Mabuting Balitang kanilang ipapangaral ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang mga apostol ang mangangaral at magpapatoo tungkol sa Panginoong Hesus. Sila ay magiging mga misyonero. Bilang mga misyonero, iba't ibang landasin ang tatahakin ng mga apostol patungo sa iba't ibang lupain upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita tungkol sa ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. At iyan ang Mabuting Balitang ipinapangaral, pinatotohanan, at sinasampalatayanan ng Simbahan nang buong puso't kaluluwa magpahanggang ngayon. Ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga alagad ay ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan. 

Maraming mga hirap at pasakit na kinailangan nilang harapin at danasin. Mahirap ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo. Isang halimbawa nito ay ang naganap sa Unang Pagbasa. Sina Apostol San Pedro at San Juan ay mahigpit na binabalaan ng mga autoridad na huwag nang mangaral tungkol kay Hesus. Subalit, hindi nila sinunod ang babalang ito. Inihayag ni Apostol San Pedro na dapat nilang ihayag ang kanilang narinig at nakita (4, 20). Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na dumaan sa kanilang pagmimisyon, hindi sila tumigil sa pangangaral at pagsaksi sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang misyong ito ng mga apostol ay ibinigay sa kanila ng Panginoon. Kinailangan nilang gampanan ito upang ang lahat ay makakilala kay Kristo at sumampalataya sa Kanya. 

Ang mga apostoles ay binigyan ng misyon ng Muling Nabuhay na si Hesus. Sila'y hinirang at sinugo ng Panginoong Muling Nabuhay upang Siya'y ipakilala sa lahat ng tao mula sa iba't ibang bayan at bansa sa daigdig. Ipapangaral nila sa lahat ang Mabuting Balita tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at pagpapatotoo, makikilala ng lahat si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na kaloob ng Diyos. Malalaman ng lahat na sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang sangkatauhan. At sa pamamagitan ng pakikinig at pangangaral ng mga apostol tungkol kay Kristo Hesus, ang lahat ay maniniwala at sasampalataya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento