15 Abril 2018
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19/Salmo 4/1 Juan 2, 1-5a/Lucas 24, 35-48
Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga apostol ang lahat ng mga kaganapan noong mga araw na iyon. Si Hesus ay pinatay sa kamay ng Kanyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ngunit nabuhay na mag-uli pagsapit ng ikatlong araw. Batid ni Hesus na nagulumihanan ang mga apostol dahil sa mga naganap noong panahong iyon. Batid ni Hesus na tinantanong ng mga apostol sa kanilang mga isipan kung bakit nangyari ang mga nangyari. Kaya, ipinaliwanag ni Kristo sa mga apostol kung bakit Niyang kinailangang harapin at danasin ang Kanyang pagpapakasakit at mamatay bago Niya makamit ang buo Niyang tagumpay at kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Sabi ng Panginoon na ang mga ito'y hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Unang inihayag ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga propeta sa Matandang Tipan na magaganap ang mga bagay na ito. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, natupad ang lahat ng mga bagay na iyon.
Matapos ipaliwanag sa mga apostol kung bakit nangyari ang lahat ng iyon, winika ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na sila'y Kanyang sinusugo bilang mga saksi ng lahat ng mga pangyayari. Ang mga alagad ay hinirang at sinugo ni Hesus upang ipalaganap sa lahat ng dako ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Sila'y magpapatotoo tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na kanilang nasaksihan. Ang mga naganap sa Herusalem ang paksa ng kanilang pangangaral at pagpapatotoo sa bawat sulok ng daigdig. Sila ay magiging mga misyonerong nangangaral at nagpapatotoo tungkol sa mga kaganapan sa lungsod ng Herusalem kung saan inihayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos para sa lahat ng tao sa pamamagitan ni Hesus.
Ito ay ginawa ng mga apostol sa Una at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro ukol kay Kristong Muling Nabuhay sa mga tao. Ang mga tiniis at pinagdaanan ni Kristo ay inilarawan ng apostol. Nagsalita siya tungkol sa pagdurusa't kamatayan ni Kristo sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Inihayag kung paano siyang pinatay ng Kanyang mga kaaway na walang kalaban-laban. Siya'y walang awang pinahirapan hanggang sa Kanyang karumal-dumal na pagkamatay sa krus. Subalit, inihayag ni Apostol San Pedro sa lahat na hindi nagtapos ang lahat para sa Panginoong Hesus sa Kanyang pagdurusa't kamatayan sa Golgota. Wika ni Apostol San Pedro na si Hesus ay muling nabuhay pagsapit ng ikatlong araw. Ang libingan ay hindi naging katapusan para kay Hesus. Si Hesus ay pinatay ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, nakamit ni Hesus ang tagumpay at kaluwalhatian.
Ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa ay siya ring pinatotohanan ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Iisa lamang ang paksa ng kanilang pagpapatotoo - ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Wika ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo ay naging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Inihandog ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus upang magkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Hinarap, tiniis, at pinagdaanan Niya ang pagdurusa't kamatayan sa krus bago makamit ang kaluwalhatian ng Kanyang Muling Pagkabuhay upang ang sala ng bawat tao ay mapatawad. Sa pamamagitan nito, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
May misyong ibinigay ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol. Ang misyong ibinigay sa mga apostol ay ang pagiging saksi ng dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ni Hesus. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang nagdulot ng kaligtasan sa lahat ng tao sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Iyan ang Mabuting Balitang patuloy na ipinapangaral at pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. Iyan ang Ebanghelyo. Tunay ngang dakila't walang kapantay ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat ng tao. Ito'y nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, hinarap, tiniis, at pinagdaanan ni Hesus ang pagdurusa't kamatayan sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw upang tayong lahat ay maligtas at magkaroon ng kapatawaran ang ating mga kasalanan.
Hinihikayat ang bawat isa sa atin, ang mga bumubuo sa sambayanang nagagalak sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, na makibahagi sa misyong ibinigay sa mga apostol na ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan. Hinihikayat tayong maging mga saksi ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Tayong lahat ay hinihikayat na ipalaganap sa lahat ng dako ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoong Hesukristo upang ang lahat ay makinig at sumampalataya sa Kanya. Ipakilala natin sa lahat ang Panginoon; Siya na nagpamalas kung gaanong kadakila ang Kaniyang pag-ibig para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang sarili hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento