Miyerkules, Abril 4, 2018

MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL NA MANUNUBOS

6 Abril 2018
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14


Wika ng minamahal na alagad ni Kristo na si Apostol San Juan kay Apostol San Pedro sa Ebanghelyo, "Ang Panginoon iyon!" (21, 7) Sinabi niya ito nang makita niya ang dami ng mga isdang nahuli, tulad ng sinabi ng lalaking nasa pampang. Sa sandaling iyon naaalala ni Apostol San Juan na minsan itong nangyari. At iisa lamang ang kahulugan noon. Ang lalaking nasa pampang ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Noong sinamahan sila ng Panginoong Hesus na mamalakaya bago Niya tinawag ang mga ito, nagkaroon sila ng maraming huli. Napagtanto ng alagad na minamahal ni Hesus na si Apostol San Juan na naulit lamang ang mga kaganapan noon sa Lawa ng Tiberias. Muling nagpakita sa kanila ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. 

Ang mga salitang ito ay hindi lamang para kay Apostol San Pedro. Ang mga salitang ito ay para sa lahat. Patuloy na umaalingawngaw ang mga salitang ito ng alagad na minamahal ni Hesus na si Apostol San Juan. "Ang Panginoon iyon!" Sino nga ba ang Panginoon? Sino nga ba si Hesus? Para sa mga autoridad sa Unang Pagbasa, si Hesus ay isa lamang bulaang propeta. Nilapastangan Niya ang Diyos. Subalit, ipinakilala Siya ni Apostol San Pedro bilang batong itinakwil na naging batong panulukan. Ipinakilala Siya bilang Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos. Ang kapangyarihan ng Mesiyas na si Hesus ang nagdulot ng kagalingan sa lalaking ipinanganak na lumpo. 

Inaanyayahan ni San Juan ang bawat isa na palalimin ang pagkilala sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang mga salitang "Ang Panginoon iyon!" na namutawi mula sa kanyang mga labi ay isang paanyaya sa bawat isa sa atin na lalo pang palalimin ang ating pagkilala kay Hesus bilang Mesiyas at Manunubos. Si Hesus ay hindi nagpapakalayo sa atin. Hindi Niya nilalayo ang Kanyang Puso sa ating lahat. Bilang ating Mesiyas at Manunubos, si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao upang yakapin at danasin ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ipinakita Niya na Siya'y isang mahabagin at mapagmahal na Tagapagligtas. Siya'y nagpakasakit, namatay, at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw upang tayong lahat ay maligtas at mapalaya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento