Lunes, Abril 2, 2018

TAGAPAWI NG MGA LUHA

3 Abril 2018
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Muling Nabuhay ay nagpakita kay Santa Maria Magdalena na umiiyak. Ang Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay ay hindi agad nakilala ni Maria Magdalena. Inakala ni Maria Magdalena na ang kanyang nakatagpo ay isa lamang tagapag-alaga ng halamanan. Nakilala lamang ni Maria Magdalena ang Muling Nabuhay na si Hesus noong binati Niya ito sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Labis siyang umiyak dahil sa pagkawala ng katawan ni Hesus sa libingan. Inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Inakala niyang hindi na ginalang ang Panginoon, kahit na Siya'y patay na. Subalit, ang lahat ng mga luha ay tuluyang napawi mula sa mga mata ni Maria Magdalena noong nakilala niya ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Mula sa pagiging puno ng kalungkutan, siya'y napuno ng kagalakan. Ang kanyang pag-iyak ay naging isang malaking ngiti't tuwa. Ang lahat ng iyon ay dahil kay Kristong Muling Nabuhay. 

Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa  taumbayan sa Unang Pagbasa at ni Santa Maria Magdalena sa mga apostol sa huling bahagi ng Ebanghelyo ang tagapawi ng mga luha. Hindi kalungkutan ang Kanyang hatid sa lahat. Bagkus, ang Kanyang hatid sa lahat ay kagalakan. Pinapawi ni Kristo ang lahat ng ating kalungkutan. Pinapawi Niya ang mga luhang dumadaloy mula sa mga bata ng bawat isa. Ang dalamhati't kapighatian ay Kanyang pinapalitan ng tuwa't kagalakan. Ang kalungkutan at kapighatian ay naging kagalakan at kasaganaan sa pamamagitan Niya. Dahil si Kristo ang Panginoong nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang tagumpay ng ating Panginoong Muling Nabuhay ay tunay ngang nagdudulot ng isang buhay na puno ng kagalakan at pag-asang mula sa Kanya sa bawat isa. 

Tapos na ang panahon ng pagdadalmhati't pagluluksa. Wala nang laman ang libingan. Si Hesus ay tunay ngang muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinawi Niya ang lahat ng ating kalungkutan at kabiguan. Ang lahat ng mga luhang pumapatak mula sa ating mga mata ay Kanyang pinapawi. Tayong lahat ay inaaanyayahan Niyang maranasan at makibahagi sa kagalakang hatid Niya sa bawat isa. Kagalakang dulot ng Kanyang maluwalhating tagumpay na inihayag ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento