Sabado, Hulyo 20, 2024

ALAM NIYA KUNG ANO ANG GAGAWIN

28 Hulyo 2024 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
2 Hari 4, 42-44/Salmo 144/Efeso 4, 1-6/Juan 6, 1-15

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1580 and 1590) Feeding the Five Thousand (July) by Marten van Valckenborch (1535–1612), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa Mabuting Balita: "Tumanaw si Hesus, at nakita Niya ang napakaraming tao. Tinanong Niya si Felipe, 'Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?' Sinabi Niya ito . . . [dahil] alam ni Hesus kung ano ang Kaniyang gagawin" (Juan 6, 5-6). Isinalungguhit sa mga salitang ito mula sa Ebanghelyo na laging may plano ang Poong Jesus Nazareno sa lahat ng oras. Lagi Siyang may plano para sa ikabubuti ng lahat at lagi Siyang handang isakatuparan ang mga nasabing plano sa takdang oras. 

Walang sandaling hindi naging handa ang Panginoon. Sa kasaysayan ng pagligtas sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Diyos ay laging handa. Lagi Siyang may plano. Alam ng Diyos kung ano ang Kaniyang gagawin. Ni minsan ay nagkaroon ng pagkakataon o sandaling hindi alam ng Diyos kung ano ang Kaniyang gagawin. Sa bawat sandali at pagkakataon, alam lagi ng Diyos kung ano ang Kaniyang gagawin at lagi rin Siyang handang kumilos. 

Pinatunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagpaparami sa mga tinapay at isda sa Ebanghelyo na totoo ngang mapagkalinga ang Diyos. Ang himala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay katulad rin ng himalang ginawa ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Maaari ngang sabihin inulit lamang ng Diyos ang himalang ginawa Niya sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng dalawang kababalaghang ito sa mga tampok na salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo, pinatunayan ng Diyos sa lahat ng mga tao ang Kaniyang pagiging mapagkalinga. Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan, "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). 

Buong linaw na isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay bahagi ng kawan ng Diyos. Dahil dito, dapat tayong mamuhay banal at kalugud-lugod dahil ito ang nararapat gawin bilang kawan ng Diyos. Tayong lahat ay laging kinakalinga ng Panginoon. Kaya naman, dapat nating ipakilala ang Panginoon sa lahat bilang mapagkalingang pastol at tagapag-alaga. Ang pagiging mapagkalinga, mahabagin, maawain, at mapagmahal ng Panginoong Diyos ay dapat nating ipalaganap sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na maaasahan natin ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Lagi Siyang handang kumilos. Alam Niya kung ano ang kailangan Niyang gawin. Manalig lang tayo sa Kaniya na laging kumakalinga sa atin. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin, pinatutunayan natin ang ating taos-pusong pananalig sa tunay na kumakalinga sa atin na walang iba kundi ang Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento