Biyernes, Hulyo 5, 2024

NAIS NIYANG MAGPAKILALA

12 Hulyo 2024 
Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Oseas 14, 2-10/Salmo 50/Mateo 10, 16-23 

SCREENSHOT: Enero 29, 2024 | Maringal na Pagkilala bilang Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube)


Ang mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostoles sa simula ng Ebanghelyo para sa araw na ito ay ang paksang nais bigyan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan nang buong kataimtiman sa araw na ito. Isinalungguhit ang katotohanan tungkol sa pagiging isang apostol, tagasunod, misyonero, at saksi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Napakahirap gawin ito dahil hindi magiging bukas sa Panginoon ang lahat. Katunayan, ang katotohanang ito ay nababatid rin ng Poong Jesus Nazareno. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na isugo ang mga apostol sa iba't ibang mga lugar upang ipakilala Siya sa lahat ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng daigdig. 

Layunin ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagbigkas sa mga salitang ito sa simula ng Ebanghelyo na patuloy Niyang ipinaliwanag sa mga sumunod na bahagi nito na bigyan ng isang ideya o larawan ang mga alagad tungkol sa kanilang gagawin bilang Kaniyang mga apostol, misyonero, at saksi pagdating ng araw. Sisimulan nila itong tuparin matapos tuparin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sarili Niyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ipapakilala nila sa lahat ng mga tao sa bawat panig at sulok ng daigdig ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, hindi ito magiging madali para sa kanila dahil hindi tatanggapin ng ilan ang kanilang mga ipinangangaral at ipinapahayag tungkol kay Jesus Nazareno. 

Tiyak na iisipin ng marami na nag-aaksaya lamang ng panahon si Jesus Nazareno sa pagtalaga sa Kaniyang mga apostol bilang Kaniyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Hindi naman sila tatanggapin ng lahat. May mga magbabalak na usigin sila dahil sa kanilang mga ipinapangaral at pinananaligan. Katunayan, maski nga Siya, hindi Siya tinanggap ng mga sarili Niyang kababayan. Bakit ito ang ipinasiya Niyang gawin? Ano nga ba ang dahilan kung bakit nais ni Jesus Nazareno na makilala Siya ng lahat ng mga tao sa mundo? 

Sa pananaw ng mundo, si Jesus Nazareno ay nag-aaksaya lamang ng panahon. Hindi magiging bukas sa Kaniya at sa Kaniyang mga aral at utos ang lahat. Mayroong mga taong magsasara ng kanilang mga puso at isipan. Alam iyan ni Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, ipinasiya pa rin ni Jesus Nazareno na hirangin at italaga ang mga apostol bilang Kaniyang mga saksi sa lahat ng mga bansa. Kagandahang-loob, awa, habag, at pag-ibig ang dahilan kung bakit ito ang ipinasiyang gawin ni Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, nagpakilala Siya sa lahat. 

Inilahad ni Propeta Oseas ang pahayag ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Sa pahayag na ito, nakiusap ang Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Kahit na alam ng Panginoong Diyos na matitigas ang mga puso at ulo ng mga Israelita, ang Panginoong Diyos ay nagpasiya pa ring makiusap sa bayang Israel dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa. Ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Panginoon ay inilarawan sa mga taludtod sa Salmong Tugunan. Nais ng Diyos na magkaroon ng pagkakataon ang lahat na makinabang sa Kaniyang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa. 

Bagamat ayon sa pananaw ng mundo ay nag-aaksaya lamang ng oras at panahon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pagpapakilala sa lahat, ipinasiya pa rin Niyang magpakilala sa lahat. Hinirang at inatasan rin Niya ang mga apostol na ipakilala Siya sa lahat, kahit na napakahirap itong gawin dahil sa iba't ibang mga pagsubok at pag-uusig. Sa pamamagitan nito, binibigyan Niya ng pagkakataon ang lahat ng mga tao sa daigdig na maranasan ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento