Biyernes, Hulyo 26, 2024

TAPAT PA RIN

2 Agosto 2024
Biyernes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Jeremias 26, 1-9/Salmo 69/Mateo 13, 54-58 

SCREENSHOT: Daily Mass at the Manila Cathedral - January 05, 2023 (12:10 pm) - YouTube


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa hindi pagtanggap ng marami sa mga banal na tao. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na hindi ligtas mula sa napakasakit na karanasang ito ang mga banal na tao. Maaaring sabihing isa itong pangkaraniwang karanasan para sa mga banal na tao. Hindi sila pakikinggan at tatanggapin ng nakararami. Kahit sumusunod lamang nila sa kalooban ng Panginoon, hindi sila pakikinggan at tatanggapin ng nakararami. 

Sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa, si Propeta Jeremias ay hindi tinanggap ng mga nakarinig sa kaniya. Bagkus, labis na nagalit sa kaniya ang mga tao. Nalagay sa panganib ang buhay ni Propeta Jeremias. Katunayan, binalak pa nga siyang patayin ng marami sa kanila. Gaya ni Propeta Jeremias sa salaysay sa Unang Pagbasa, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret. Ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na kusang-loob na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan ay hindi tinanggap. 

Inilarawan sa unang taludtod sa Salmong Tugunan ang katotohanan ng pagiging mga tapat na lingkod ng Diyos. Ang mga lingkod ng Panginoong Diyos gaya na lamang ng mga propeta, mga apostol, at ang mga sumunod sa kanila bilang mga misyonero at saksi ng Panginoon ay hindi tinanggap. Pati nga ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng marami. 

Mahirap maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Subalit, ang mga tunay na umiibig, nananalig, sumasampalataya, nagpupuri, at sumasamba sa Diyos ay hindi tumitigil sa tapat at taos-pusong paglilingkod at pagsunod sa Kaniya, kahit na hindi sila tanggapin ng nakararami. Anuman ang mangyari, sa hirap at ginhawa, mananatili pa rin silang tapat sa Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento