Huwebes, Hulyo 11, 2024

BUNGA NG KANIYANG PAKIKINIG AT PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

16 Hulyo 2024 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1500) The Virgin of the Carmelitas by unknown artist, as well as the actual work of art itself from the Museo Lázaro Galdiano via Google Arts & Culture, is in the Public Domain ("No Copyright") ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.


"Ito ang Aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Aking Amang nasa langit ang siya Kong ina at mga kapatid" (Mateo 12, 50. Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa wakas ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito nakatuon ang pansin ng Simbahan. Ang araw na ito ay inilaan upang parangalan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen bilang Birhen ng Bundok del Carmen o Bundok ng Carmelo. Sa kasaysayan ng kaligtasan, ang Bundok del Carmen o Bundok ng Carmelo ay isang napakahalagang pook dahil sa lugar na ito, pinatunayan ng Panginoong Diyos na Siya lamang ang tunay ng Diyos at wala nang iba pa sa pamamagitan ng pagbaba ng apoy mula sa langit bilang tugon sa dalangin ni Propeta Elias (1 Hari 18). Nang sumapit ang takdang panahon, dumating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang tunay na Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na dinala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan bago ang Kaniyang pagsilang sa mundo.

Sa pamamagitan ng mga salitang binigkas Niya sa wakas ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na maaaring maging bahagi ng Kaniyang pamilya ang bawat isa sa atin. Isa lamang ang kailangang gawin ng mga nagnanais maging bahagi ng pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tuparin at sundin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig, pagtupad, at pagsunod sa kalooban ng Diyos, ipinapakilala't ipinagmamalaki natin ang tunay na Diyos na ating sinasamba, iniibig, pinananaligan, at sinasampalatayanan nang buong katapatan. Pinapatunayan nating taos-puso ang ating pagpanig, panananalig, pag-ibig, at pagsamba sa tunay na Diyos. Ito ang ginawa ng Mahal na Birheng Maria sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Tinupad at sinunod niya nang taos-puso ang kalooban ng Diyos. 

Nagbitiw ng isang pangako ang Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan sa pahayag na inilahad ni Propeta Zacarias sa Unang Pagbasa. Darating ang Panginoon na Siyang tunay na Diyos upang makapiling ang Kaniyang bayan. Tinupad nga ng Panginoong Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang pinakadakilang patunay ng walang maliw na katapatan ng Diyos ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Salmong Tugunan, inilahad ang kantikulo ng Mahal na Birheng Maria - ang Magnificat. Inilarawan ng Mahal na Birheng Maria sa bawat titik ng kaniyang awit-papuri o kantikulo na itinampok sa bawat taludtod ng Salmong Tugunan ang katapatan ng tunay na Diyos sa Kaniyang pangako. Tunay ang katapatan ng Diyos na totoo. Pinatunayan ito ng Banal na Sanggol, ang Panginoong Jesus Nazareno, na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan bago Siya isilang sa mundo. 

Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging Ina ng Diyos dahil ipinasiya niyang pakinggan, tuparin, at sundin nang taos-puso ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtanggap sa ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang Ikalawang Persona ng Kabanal-Banalang Santatlo, bilang kaniyang Anak na minamahal, naging bahagi ng pamilya ng tunay na Diyos ang Mahal na Birheng Maria. 

Katulad ng Mahal na Birheng Maria, maaari rin tayong maging bahagi ng pamilya ng tunay na Diyos. Makinig at sumunod sa Kaniya. Ang Kaniyang kalooban ay dapat nating pakinggan, tuparin, at sundin nang taos-puso. Ito ang magpapatunay na taos-puso ang ating pagmamahal, pananalig, pananampalataya, pagpanig, at pagsamba sa Kaniya, ang tunay na Diyos. Sa pamamagitan nito, ang tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon ay ating ipinapakilala't ipinagmamalaki. 

Habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa daigdig na ito, lagi tayong binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataong ipakilala Siya sa lahat bilang tunay na Diyos na puspos ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa tanan. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay inaaanyayahan rin ng Diyos na maging bahagi ng Kaniyang pamilya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento