25 Hulyo 2024
Kapistahan ni Apostol Santiago
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Santiago Apóstol which is attributed to Juan Martín Cabezalero (1633–1673), as well as the actual work of art itself from the Royal Academy of Fine Arts of San Fernando, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito ay nakatuon sa mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa dalawang anak ni Zebedeo na sina Apostol Santo Santiago at Apostol San Juan sa salaysay na itinampok sa Banal na Ebanghelyo: "Ang hirap na babatahin Ko'y babatahin nga ninyo. Ngunit wala sa Akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa Aking kanan at sa Aking kaliwa" (Mateo 20, 23). Inihayag nang buong linaw ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas Niya sa dalawang apostol na ito sa Mabuting Balita na hindi posisyon ang dapat maging dahilan ng tapat na pagsunod sa Kaniya hanggang sa huli. Bagkus, ang pagsunod sa Poong Jesus Nazareno ay dapat maging taos-puso.
Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang ipagdiwang ang kagitingan, kabanalan, at katapatan ni Apostol Santo Santiago Mayor. Gaya ng kaniyang kapatid at ng iba pang mga apostol, natutunan ni Apostol Santo Santiago Mayor na dalisay na pag-ibig ang dapat maging dahilan ng pagsunod sa Panginoong Jesus Nazareno. Kung posisyon sa langit ang dahilan ng pagsunod sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, nagkamali tayo ng sinundan. Hindi mga ganyang tagasunod ang hanap ni Jesus Nazareno.
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kaniyang misyon bilang apostol at saksi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ikalawang Pagbasa. Sa kabila ng mga hirap, pag-uusig, at sakit na kaakibat nito, ipinasiya pa rin ni Apostol San Pablo na magsalita pa rin sa tanan tungkol sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Ang dahilan nito ay ang kaniyang pananampalataya sa Panginoon (2 Corinto 4, 13). Pananampalataya na bunga ng taos-pusong katapatan at pag-ibig sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil dito, gaya ng inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, napuspos ng tuwa't galak ang mga apostol, kabilang na rito si Apostol San Pablo, sa kabila ng iba't ibang mga hirap, sakit, at pag-uusig na kaakibat ng kanilang misyon.
Hindi paghahangad para sa posisyon ang dapat maging dahilan ng ating pananalig, pagsunod, at pananampalataya sa Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang dapat maging dahilan nito ay ang pag-ibig. Dalisay at taos-pusong pag-ibig para sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ang magpapalakas ng loob ng Kaniyang mga tapat na tagasunod na sumasampalataya, nananalig, at sumasamba sa Kaniya nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento