7 Hulyo 2024
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa katotohanan ng misyon. Hindi tatanggapin ng lahat ang Salita ng Diyos. Mayroong mga taong hindi magbubukas ng kanilang mga puso at isipan sa Salita ng Diyos. Isasara nila ang pintuan ng kanilang mga puso at isipan sa Panginoong Diyos. Dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at isipan, ang Panginoong Diyos ay hindi tatanggapin ng ilan. Kaya naman, ang pagsaksi sa Panginoon ay napakahirap gawin.
Madalas isipin ng marami na kapag ipinasiya nilang maging mga saksi ng Panginoon, ang bawat sandali ng kanilang buhay sa mundo ay magiging maginhawa. Iniisip nila na magiging ligtas sila mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundong ito. Layunin nilang makatakas at maging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Dahil sa paniniwalang hindi sila haharap sa mga pagsubok sa buhay dito sa mundong ito at tiisin ang mga ito, ipinapasiya nilang sumunod at sumaksi sa Panginoon.
Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na hindi ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay ang mga lingkod ng Diyos na sumusunod at sumasaksi sa Kaniya. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang pagkahirang Niya kay Ezekiel upang maging Kaniyang propeta. Habang ipinapahayag Niya nang buong linaw ang Kaniyang pasiyang ito, hindi ikinubli ng Diyos kay Ezekiel ang katotohanang hindi siya tatanggapin ng nakararami dahil sa katigasan ng kanilang mga ulo, bagamat hinirang siya ng Diyos upang maging Kaniyang propeta (Ezekiel 2, 3-5). Nagsalita tungkol sa katotohanan ng kaniyang misyon si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Buong linaw na isinalungguhit ni Apostol San Pablo ang kaniyang punto tungkol sa pagiging mga tagasunod at saksi ng Panginoong Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagsunod at pagsaksi sa Panginoong Diyos ay hindi para sa mga naghahanap ng ginhawa. Kung tutuusin, pati ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo.
Napakahirap maging mga tapat na tagasunod at saksi ng Panginoong Diyos. Subalit, sa kabila nito, bakit may mga nagpasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli, gaya ng mga banal sa langit? Inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit mayroon pa ring mga nagpasiyang maging tapat sa kanilang pasiyang sumunod at sumaksi sa Panginoon hanggang sa huli. Ang awa ng Diyos ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit ipinasiya ng mga banal sa langit na manatiling tapat sa kanilang pananalig, pagsunod, at pagsaksi kay Kristo, ang Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli, gaano man kahirap gawin ito dahil sa mga hirap, pagsubok, sakit, at tiisin sa buhay. Dahil sa awa ng Diyos, ang lahat ng mga banal sa langit ay nagkaroon ng lakas na manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli.
Walang ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay sa mundong ito, kahit ang mga tapat na tagasunod at saksi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, kung ang ating mga puso at isipan ay taos-puso nating bubuksan sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, magkakaroon tayo ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento