Huwebes, Hulyo 25, 2024

BUKAS SA PAKIKIPAGRELASYON KAY JESUS NAZARENO

29 Hulyo 2024 
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1517-1519) The Raising of Lazarus by Sebastiano del Piombo (1485–1547), as well as the actual work of art itself from the National Gallery, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.

"Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig" (1 Juan 4, 7). Sa mga salitang ito mula sa pangaral ni Apostol San Juan na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang parangalan ang tatlong banal na tao na naging mga malapit na kaibigan ng Poong Jesus Nazareno - sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania. Binuksan nila ang kanilang mga sarili sa paanyaya ng Poong Jesus Nazareno upang maging Kaniyang mga kaibigan at lagi nilang ipinakita sa Kaniya ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa kanilang kaibigang mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Itinuturo ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania sa bawat isa sa atin kung paanong maging mga minamahal na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ipinapaalala sa atin ng magkapatid na ito na nais makipag-ugnayan sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kailangan nating gawin ay maging bukas at tanggapin ang paanyayang ito. Sa pamamagitan nito, ang ating tapat at taos-pusong pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ating pinapatunayan. 

Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan; "Palagi kong pupurihin ang Dakilang Poon natin" (Salmo 33, 2a). Tanging mga tapat at taos-puso sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poon ang makagagawa nito. Ang mga tapat at taos-pusong nananalig at sumasampalataya sa Panginoong Jesus Nazareno ay tunay ngang nag-aalay ng tapat at taos-pusong pasasalamat, papuri, at pagsamba sa Kaniya. Sabi nga rin sa alternatibong Salmong Tugunan na galing rin sa isa sa mga taludtod nito: "Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin" (Salmo 33, 9a). Ang magkapatid mula sa Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro na kilala rin bilang mga minamahal na kaibigan ni Kristo ay mga halimbawa nito. 

Tampok sa Ebanghelyo ang tapat at taos-pusong pananalig ng magkapatid mula sa Betania sa kanilang minamahal na kaibigang si Kristo. Sa isa sa dalawang tampok na salaysay sa Ebanghelyo, inihayag ni Santa Marta sa Panginoong Jesus Nazareno ang kaniyang tapat at taos-pusong pananalig sa Kaniya bilang Anak ng Diyos at Mesiyas na kaloob ng Diyos sa tanan. Sa alternatibong Ebanghelyo, ibinigay ng kapatid nina Santa Marta at San Lazaro na si Santa Maria ang kaniyang atensyon kay Kristo Hesus habang nangangaral Siya sa kanilang bahay sa Betania. Ang buo niyang atensyon ay buong puso niyang inihandog sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isinantabi niya ang lahat para lamang sa Poong Jesus Nazareno. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makipag-ugnayan sa atin. Inaanyayahan tayo ni Jesus Nazareno na makipagrelasyon sa Kaniya. Maging bukas nawa tayo sa paanyayang ito ng Poong Jesus Nazareno, gaya ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento