Huwebes, Hulyo 18, 2024

PANANABIK SA ISA'T ISA

22 Hulyo 2024 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 

This faithful photographic reproduction of the painting (Between circa 1525 and 1530) Noli me tangere by Benvenuto Tisi (1481–1559), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1559. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929. 


"Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang" (Salmo 62, 2b). Sa mga salitang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Itinatampok ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang isa sa napakaraming banal na tao na walang ibang pinanabikan kundi ang Panginoon na walang iba kundi si Santa Maria Magdalena. Magmula sa sandaling baguhin ng Poon ang kaniyang buhay, wala nang iba pang hinangad at pinanabikan si Santa Maria Magdalena kundi ang Poon. 

Dalawang beses tinanong si Santa Maria Magdalena kung bakit siya umiyak sa labas ng libingan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang unang nagtanong sa kaniya kung bakit siya umiyak sa labas ng Banal na Libingan ay dalawang anghel. Sinundan agad ito ng pangalawang nagtanong sa kaniya kung bakit siya umiyak sa labas ng Banal na Libingan - ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na napagkamalan niyang tagapag-alaga ng halamanan. Nang makilala Siya ni Santa Maria Magdalena, naging galak ang lungkot, hapis, at luha ni Santa Maria Magdalena. 

Sa Unang Pagbasa, itinampok ang mga salita ng isang tunay na nananabik para sa Panginoong Diyos. Inihayag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa na nananabik rin para sa atin ang Panginoon. Dahil sa dakila Niyang pag-ibig para sa ating lahat, ipinasiya ni Kristo na maghirang at magtalaga ng mga sasaksi sa Kaniya sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang misyong ito, na unang ibinigay at ipinatupad ni Kristo sa mga apostol, ay ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. 

Tayong lahat ay pinananabikan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pinananabikan rin ba natin Siya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento