26 Hulyo 2024
Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria
Jeremias 3, 14-17/Jeremias 31/Mateo 13, 13-17
SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH 4AM #OnlineMass #QuiapoDay • 19 July 2024 • FRIDAY of the 15th Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Sa unang tingin, parang mahirap iugnay ang aral na nais isalungguhit ng pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan sa aral na nais isalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo. Tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang panawagan ng Diyos para sa Kaniyang bayan. Ang Panginoong Diyos ay nanawagan sa Kaniyang bayan na magbalik-loob sa Kaniya na tunay na mapagmahal at mapagkalinga. Nakasentro ang awit ng papuri ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan sa habag, awa, pag-ibig, at pagiging mapag-aruga ng Diyos. Ipinaliwanag naman ni Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa manghahasik sa Ebanghelyo. Paano maiuugnay ang mga aral na nais isalungguhit sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan sa aral na tinalakay at sinaliksik sa Ebanghelyo?
Madalas na tinatalakay kung anong uri ng lupang inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang bawat isa sa atin sa tuwing pinagninilayan natin nang buong kataimtiman ang pangaral Niyang ito na inilahad sa Ebanghelyo. Anong uri ng lupa tayo? Subalit, maganda ring pagnilayan ang paliwanag ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa talinghaga ng manghahasik sa bukid na inilahad sa Ebanghelyo mula sa prespektibo ng manghahasik na sumasagisag sa Panginoon. Bakit Niya ipinasiyang gawin iyon? Hindi ba dapat iningatan Niya ang mga binhi upang maihasik ang mga ito sa mabuting lupa upang magkaroon ng bunga? Gaya ng manghahasik sa talinghaga, hindi ba dapat itinuon na lamang ng Panginoon sa mga talagang makikinig sa Kaniya at susunod sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli?
Oo, mas madali para sa Poong Jesus Nazareno na ituon na lamang sa mga tunay na makikinig at susunod sa Kaniya nang buong katapatan at pananalig hanggang sa huli ang Kaniyang pansin at atensyon. Kung susundin Niya ang lohika o pag-iisip ng tao, hindi mag-aaksaya ng panahon ang Poong Jesus Nazareno sa mga hindi makikinig at susunod sa Kaniya nang buong katapatan. Sayang lang ang oras at panahon.
Bagamat alam ng Poong Jesus Nazareno na hindi lahat ay magiging tapat sa Kaniya, ipinasiya pa rin Niyang ipalaganap ang Kaniyang Salita sa lahat. Nais Niyang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga tao na makinig at sumunod sa Kaniyang Salita. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ng Poong Jesus Nazareno na tunay Siyang mahabagin, maawain, mapagmahal, at mapagkalinga, kahit may mga hindi magpapahalaga nito.
Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maranasan nating lahat ang Kaniyang habag, awa, pag-ibig, at kalinga. Subalit, nasa atin ang pasiya kung magiging bukas tayo sa pagkakataong ito na laging ibinibigay Niya sa atin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento