Sabado, Hulyo 6, 2024

ANG KANIYANG PASIYA

14 Hulyo 2024 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-13

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1886 and 1884) The Exhortation to the Apostles by James Tissot (1836–1902), as well as the actual work of art itself from the European Art Collection of the Brooklyn Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Maituturing na isang pagsasanay para sa mga apostol ang ipinagawa ng Poong Jesus Nazareno sa kanila sa Ebanghelyo. Ang mga apostol ay isinasanay na ng Panginoong Jesus Nazareno para sa buhay misyonero. Isa itong pagsasanay para sa mga apostol dahil ito ang magiging buhay nila pagdating ng araw. Tutuparin muna ng Nazareno ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Pagkatapos nito, si Jesus Nazareno ay aakyat sa langit. Kasunod nito, ang Espiritu Santo ay bababa sa kanila mula sa langit upang puspusin sila ng Kaniyang mga biyaya. Matapos ito, ang misyon ng mga apostol ay magsisimula. Ang misyon ng mga apostol ay ipakilala sa lahat ng mga tao ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng lahat. 

Hindi madali ang misyong ito na ibinigay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol. Bilang mga saksi ng Poong Jesus Nazareno, haharap at titiis ng maraming mga pagsubok at pag-uusig ang mga apostol. Mayroon pa ring mga magsasara ng pintuan ng kanilang mga puso at isipan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pati nga si Jesus Nazareno mismo ay hindi tinanggap ng nakararami, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa mundo noong nagpakasakit at namatay Siya sa Banal na Krus. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na isugo ang mga apostol bilang Kaniyang mga saksi sa bawat sulok ng daigdig. Ang pagsugo Niya sa mga apostol sa iba't ibang lugar sa tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo ay isang pagsasanay para sa misyong tutuparin nila pagdating ng araw. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Amos ay nagpakilala kay Amasias bilang propeta o tagapagsalita ng Panginoong Diyos. Bagamat isa lamang siya pastol ng mga tupa, si Amos ay hinirang pa rin ng Panginoong Diyos upang magsalita sa Kaniyang bayang hinirang, ang bayang Israel, bilang Kaniyang propeta. Ipapahayag ni Propeta Amos sa mga taga-Israel ang mga ipinasasabi sa kaniya ng Panginoong Diyos. Mas mahirap ito kaysa sa pagpapastol at pag-aalaga ng mga tupa. Subalit, ipinasiya ni Amos na buksan ang kaniyang puso at loobin sa Panginoong Diyos at sa Kaniyang kalooban. Dahil dito, buong sigasig niyang inilahad ang mga pahayag ng Panginoon sa Israel, kahit na nangangahulugang manganganib ang kaniyang buhay. 

Nagsalita tungkol sa pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa lahat si Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, sa simula ng kaniyang pangaral na inilahad at itinampok sa Ikalawang Pagbasa, hinikyat niya ang lahat ng mga Kristiyano, lalung-lalo na sa mga Kristiyano sa Efeso, na magalak at magpasalamat sa Diyos na nagpasiyang ipakita sa tanan ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang pinakadakilang patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa kabila ng mga tiisin, hirap, sakit, at pag-uusig na kaniyang dinanas bilang apostol at saksi ng Panginoon, ang lahat ng mga Kristiyano ay hinikayat pa rin niyang magalak at magpasalamat sa Diyos dahil sa dakilang pag-ibig na Kaniyang ipinasiyang ipakita sa lahat. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan: "Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa (Salmo 84, 8). Ito ang ipinasiya ng Panginoong Diyos. Ang Poong Jesus Nazareno mismo ay ang pinakadakilang larawan at patunay ng pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang ipagkaloob ang Poong Jesus Nazareno sa sangkatauhan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito rin ang dahilan kung bakit patuloy na sumasaksi sa Poong Jesus Nazareno ang Simbahan sa kasalukuyan. Laging handang humarap at magtiis ng maraming pagsubok, hirap, tiisin, sakit, at pag-uusig ang Simbahan alang-alang sa Poong Jesus Nazareno. Ang pag-ibig ng Diyos na inihayag ng Poong Jesus Nazareno ay laging pinatotohanan ng Simbahan nang buong pananalig at katapatan sa Kaniya, gaano mang kahirap gawin ito. 

Dahil sa pag-ibig ng Diyos para sa lahat, ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito rin ang dahilan kung bakit si Jesus Nazareno ay nagpasiyang italaga ang mga apostol bilang Kaniyang mga saksi sa bawat panig at sulok ng daigdig na ito. Ang misyong ito na unang tinupad ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahang Siya mismo ang nagtatag dahil sa dakila Niyang pag-ibig para sa lahat. Nais Niyang makilala Siya ng lahat bilang Diyos na tunay na maawain, mahabagin, at mapagmahal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento