Sabado, Hulyo 13, 2024

TAGAPAG-ALAGA NATIN

21 Hulyo 2024 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1886 and 1894) Jesus Preaches in a Ship by James Tissot (1836–1902), as well as the actual work of art itself from the European Art collection of the Brooklyn Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa mga salitang ito na matatagpuan sa wakas ng Mabuting Balita para sa Linggong ito: "Paglunsad ni Hesus, nakita Niya ang napakaraming tao; nahabag Siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila'y tinuruan Niya ng maraming bagay" (Marcos 6, 34). Tiyak na hindi na mabilang kung ilang ulit na nating pinagtuunan ng pansin, tinalakay, at pinagnilayan bilang Simbahan ang misteryo ng dakilang habag at awa ng Diyos na inihayag Niya sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, maaari nating sabihing madalas natin itong gawin bilang Simbahan. Parang pinaalalahanan tayo na tunay ngang mahabagin at maawain ang Panginoong Diyos. 

Sa konteksto ng Ebanghelyo, balak sana ng Poong Jesus Nazareno na magtungo sa isang ilang na pook kasama ang mga apostol upang magpahinga. Isinalungguhit ito nang buong linaw sa simula ng salaysay sa Ebanghelyo (Marcos 6, 32). Nagbago ang plano ng Panginoong Jesus Nazareno nang makita Niyang nagsidagsaan sa nasabing lugar ang napakaraming tao dahil nakilala nila Siya (Marcos 6, 33). Dahil sa dami ng mga taong nagpasiyang sumunod sa Kaniya sa lugar na yaon, napuspos ng habag at awa si Jesus Nazareno at binago ang Kaniyang plano. Ipinamalas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang habag at awa sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang kusang-loob na pagmiministeryo sa kanila. 

Buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa na magtatalaga Siya ng mga pastol na may habag at malasakit para sa Kaniyang bayang nagkawatak-watak. Ang mga pastol na ito na itatalaga ng Diyos ay magiging mga salamin at daluyan ng Kaniyang habag at malasakit. Gaya ng inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos ay ang tunay na Pastol ng tanan. Inihayag naman ni Apostol San Pablo na dumating si Kristo sa mundong ito alang-alang sa Kaniyang mga tupa. Sa Ebanghelyo, habag ang dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay nagministeryo sa mga tao, kahit na tumungo Siya sa lugar na iyon upang magpahinga kasama ang mga apostol. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang ating tagapag-alaga. Kusang-loob na ipinasiya Niyang maging ating tagapag-alaga dahil sa Kaniyang habag at awa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento