19 Hulyo 2024
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8/Isaias 38/Mateo 12, 1-8
SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH 4AM #OnlineMass • 12 July 2024 • FRIDAY of the 14th Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
"Sinasabi Ko sa inyo, naririto ang isang higit na dakila kaysa templo . . . Sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao" (Mateo 12, 6. 8). Buong linaw na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno ang habag at awa ng Diyos sa pamamagitan ng mga salitang ito na Kaniyang binigkas sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa araw na ito. Ipinakilala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos na puspos ng habag at awa para sa lahat.
Ang habag at awa ng Panginoong Diyos para sa tanan ay ang paksang pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, isang pangako ang binitiwan ng Panginoong Diyos kay Haring Ezequias. Inilahad ni Propeta Isaias kay Haring Ezequias ang pangakong ito ng Panginoong Diyos. Gaya ng sabi sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa, tinupad ng Panginoong Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan. Hindi Niya kinalimutan ang Kaniyang pangako bilang patunay na tunay nga Siyang mahabagin at maawain. Laging tinutupad ng Diyos ang Kaniyang mga pangako bilang patunay ng Kaniyang habag at awa. Dahil sa Kaniyang dakilang habag at awa, laging ipinapasiya ng Diyos na tuparin ang Kaniyang mga pangako.
Pinatotohanan ni Haring Ezequias sa kaniyang awit ng papuri sa Diyos na inilahad at itinampok sa Salmong Tugunan ang habag at awa ng Diyos. Bilang pasasalamat sa Diyos, naghandog si Haring Ezequias ng isang awit ng papuri sa Panginoong Diyos kung saan nagpatotoo siya tungkol sa habag at awa ng Diyos na nagdulot sa kaniya ng kagalingan. Ipinasiya niyang ipaalam sa lahat sa pamamagitan ng awit na ito na tunay ang habag at awa ng Diyos.
Nagpakita ng habag at awa sa mga apostol ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Binigyan Niya sila ng pahintulot na mangitil ng uhay at kumain ng mga butil sa triguhan, kahit Araw ng Pamamahinga. Ipinagtanggol pa nga Niya sila mula sa mga Pariseo sa pamamagitan ng pagpapalala sa kanila sa ginawa ni Haring David at ng kaniyang mga kasama (1 Samuel 21). Ang Panginoong Jesus Nazareno, ang Diyos na totoo, ay nagpasiyang magpakita ng habag at awa.
Hindi pusong bato ang Puso ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Puso ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isang pusong puspos ng habag at awa para sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento