5 Hulyo 2024
Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Amos 8, 4-6.9-12/Salmo 118/Mateo 9, 9-13
SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH 12:15PM #OnlineMass • 24 June 2024 • Solemnity of the Nativity of #SaintJohnTheBaptist (Facebook and YouTube)
Tila magkasalungat ang pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa at ang kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kaniyang galit sa mga mapang-api at mapagsamantala. Inihayag naman ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na naparito Siya para sa mga makasalanan matapos Niyang tawagin at hirangin ang maniningil ng buwis na si Apostol San Mateo upang sumunod sa Kaniya bilang isa sa Kaniyang mga alagad at apostol.
Paano natin maiuugnay ang dalawang pahayag na ito ng Panginoon? Hindi ba Diyos rin si Jesus Nazareno? Bakit iba ang pahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo sa pahayag ng Panginoong Diyos na buong linaw na inilahad ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa? Ano ba ang ugnayan o koneksyon ng dalawang pahayag na ito, kung mayroon man?
Hindi naman galit ang Panginoong Diyos sa sangkatauhan. Bagkus, puspos Siya ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa sangkatauhan. Nagagalit lamang Siya sa kasalanan. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga masasamang gawain gaya na lamang ng pang-aapi sa tao, lalung-lalo na ang pang-aapi sa mga dukha. Subalit, sa kabila nito, iniibig pa rin Niya ang bawat tao. Gaano man kasama ang isang tao, sila pa rin ay iniibig at kinahahabagan ng Diyos. Dahil dito, hindi sila sinusukuan ng Diyos habang patuloy silang namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito. Lagi Niya silang binibigyan ng pagkakataong magbagong-buhay habang patuloy silang namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito.
Nais ng Panginoong Diyos na matularan ng bawat isa sa atin, lalung-lalo na ng mga makasalanan, ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na nagpasiya nang buong pananalig at katapatan sa Kaniya na maging masunurin sa Kaniyang mga utos at loobin (Salmo 118,30). Ang pasiya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay naging pasiya rin ni Apostol San Mateo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Tinalikuran ang makasalanang pamumuhay at si Jesus Nazareno ay sinundan nang buong pananalig at katapatan.
Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, sikapin natin laging makinig at sumunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan natin ang ating katapatan sa ating debosyon at pamamanata sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento