13 Hunyo 2024
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan
Huwebes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 18, 41-46/Salmo 64/Mateo 5, 20-26
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) Saint Anthony by Joaquim Manuel da Rocha (1727-1786) from the Museu de Lisboa is in the Public Domain ("No Copyright") ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
"Sinasabi Ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos" (Mateo 5, 20). Ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan, ay nakatuon at nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Ebanghelyo para sa araw na ito. Dapat maging taos-puso ang ating pag-ibig para sa Diyos na pinatutunayan ng taos-puso nating pagtanggap at pagsunod sa Kaniyang kalooban. Katulad ng iba pang mga Santo at Santa sa kasamahan ng mga banal sa langit, ang mga salitang ito ng Poong Jesus Nazareno ay laging isinabuhay ni San Antonio de Padua nang buong katapatan sa bawat sandali ng kaniyang buhay dito sa lupa.
Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang muling pagpatak ng ulan sa Israel matapos ang tagumpay ng Panginoong Diyos laban kay Baal sa Bundok ng Carmelo. Dahil ipinasiya ng buong bayan ng Israel sa pangunguna ng hari nitong si Acab at ng kaniyang asawang si Jezebel na suwayin, talikuran, at itakwil ang Diyos at sambahin ang diyus-diyusang si Baal, sa loob ng mahabang panahon, hindi umulan o nagkahamog sa Israel. Subalit, matapos ang tagumpay ng Panginoon laban kay Baal, ang buong bayan ng Israel ay nagbalik-loob sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoong Diyos na umulan at magkahamog muli sa Israel.
Inilahad sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit ang Diyos lamang ang dapat paurihan, pasalamatan, ibigin, at sambahin ng lahat sa daigdig. Walang ibang diyos maliban sa Panginoon. Ang tunay na Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Binubuo ng Tatlong Persona - Ama, Anak, at Espiritu Santo - ang tunay at nag-iisang Diyos na ating minamahal, pinararangalan, pinupuri, pinasasalamatan, pinaglilingkuran, pinananaligan, sinasampalatayan, at sinasamba nang buong katapatan bilang Simbahan.
Ang kakaibang talino at ang kakaibang galing at husay sa pagsasalita sa mga tao ay ilan lamang sa mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos kay San Antonio de Padua. Subalit, bagamat ipinagkaloob sa kaniya ng Panginoong Diyos ang biyaya ng kakaibang talino at ang biyaya ng kakaibang galing at husay sa pagsasalita sa mga tao, ipinasiya ni San Antonio de Padua na hindi gamitin ang mga biyayang iyon para sa sarili niyang kapakanan. Bagkus, ipinasiya ni San Antonio de Padua na gamitin ang mga biyayang ito na kaloob sa kaniya ng Diyos upang ang lahat ng mga makikinig sa kaniya noong namumuhay siya sa mundo patungo sa Diyos na buong kababaang-loob at pinaglingkuran sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Ito ang laging ipinasiya ni San Antonio de Padua sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Akayin ang lahat ng mga makikinig sa kaniya patungo sa Panginoong Diyos para sa lalong ikadarakila ng Kaniyang Kabanal-Banalang Pangalan.
Gaya ni San Antonio de Padua, akayin natin ang ating kapwa patungo sa Diyos. Ang daan patungo sa Diyos ay dapat nating ituro at ipakita sa kanila. Sa pamamagitan ng pagiging mga salamin at daluyan ng mga biyaya ng Diyos, magagawa natin ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento