21 Hunyo 2024
Paggunita kay San Luis Gonzaga, namamanata sa Diyos
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Hari 11, 1-4. 9-18. 20/Salmo 131/Mateo 6, 19-23
"[K]ung nasaan naroon ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso" (Mateo 6, 21). Sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Simbahan na pagnilayan kung ano nga ba ang ating mga tunay na naisin at hangarin sa buhay. Ano nga ba ang ating mga pinapahalagahan sa buhay at bakit nga ba natin pinapahalagahan ang mga ito?
Sa Unang Pagbasa, isinalungguhit na mayroon pa ring nagpahalaga sa Panginoong Diyos sa kabila ng hirap nito noon dulot ng pamumuno ni Atalia bilang reyna. Noong namuno bilang reyna si Atalia, ang pagsamba kay Baal ay umiral. Ipinahiwatig ito sa wakas ng tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Napakalinaw na walang puwang sa puso ni Atalia na sakim sa kapangyarihan ang Panginoong Diyos. Bukod sa ipinapatay niya ang mga kamag-anak ng hari noon, ang pagsamba sa diyus-diyusang si Baal ay kaniya ring ipinalaganap. Hindi mahalaga para kay Atalia, ang umagaw sa trono sa bayan ng Israel noon, ang Panginoong Diyos. Sa Salmong Tugunan, isinalungguhit ng tampok na mang-aawit ang ilan sa mga dahilan kung bakit ang Panginoong Diyos ay dapat pahalagahan ng lahat. Maraming mga dahilan kung bakit dapat pahalagahan, naisin, at hangarin ng bawat isa sa atin ang Panginoong Diyos. Kung ito ang magiging taos-pusong pasiya ng bawat isa sa atin, mapapatunayan nating tunay at tapat ang ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Inihayag ng Poong Jesus Nazareno na nasa puso ng bawat isa sa atin ang mga tunay nating pinahahalagahan. Ano nga ba ang ating mga pinahahalagahan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento