Biyernes, Hunyo 21, 2024

DAPAT PAHALAGAHAN

28 Hunyo 2024 
Paggunita kay San Ireneo, obispo at martir 
Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
2 Hari 25, 1-12/Salmo 136/Mateo 8, 1-6 

SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH • 3PM Balangay Novena Mass - IKA-6 NA ARAW ng Misa-Nobenaryo kay San Juan Bautista (Facebook and YouTube


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay tungkol sa pagpapagaling sa isang ketongin. Ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ipakita sa isang ketonging nanikluhod at nagmakaawa sa Kaniya nang may tapat at dalisay na pananalig at kababaang-loob ang Kaniyang habag at awa sa pamamagitan ng pagpapagaling sa nasabing ketongin. Subalit, tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang salaysay ng pagsakop ng mga taga-Babilonia sa Herusalem. Parang walang ugnayan ang dalawang kaganapang ito. Taliwas nga ito sa isa't isa. Kung ang salaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa isang nakakalungkot at napakadilim na sandali, tungkol naman sa isang sandali kung saan umiral ang pag-asang kaloob ng Panginoon ang salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. 

Sa unang tingin, mukhang mahirap iugnay ang kaganapang itinampok sa salaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito at ang kaganapang tampok sa salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito. Magkaiba nga rin ang temang pinagtuunan ng pansin at isinalungguhit sa dalawang kaganapang ito. Pananakop sa Herusalem ang isa habang ang isa naman ay tungkol sa isang himala ng Panginoong Jesus Nazareno. Subalit, isang napakahalagang aral ang nais pagtuunan ng pansin at isalungguhit ng dalawang kaganapang ito, sa kabila ng pagkakaiba ng mga tema nito. Dapat nating pahalagahan ang habag at awa ng Panginoong Diyos. 

Hindi pinahalagahan ng mga Israelita noong panahon ni Propeta Jeremias ang habag at awa ng Diyos. Dahil dito, pinahintulutan ng Panginoong Diyos na masakop ng mga taga-Babilonia sa pangunguna ng haring si Nabucodonosor ang Herusalem, gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung saan itinampok ang simula ng pagkakatapon sa Babilonia. Taliwas ito sa pasiya ng ketongin sa Ebanghelyo. Lubos niyang pinahalagahan ang habag at awa ng Panginoong Diyos na inihayag ng Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, pinagaling siya mula sa kaniyang ketong. 

"Kung Ika'y aking limutin, wala na 'kong aawitin (Salmo 136, 6a). Ang mga salitang ito na buong pananalig at katapatang binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay sumasalamin sa kaniyang pagpapahalaga sa habag at awa ng Diyos. Inilalarawan sa mga salitang ito ang pananaw ng mga nagbibigay ng halaga sa habag at awa ng Panginoong Diyos. 

Pahalagahan ang habag at awa ng Panginoong Diyos. Huwag natin itong sayangin at balewalain. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa habag at awa ng Diyos, ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno ay ating ipinapahayag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento