Huwebes, Hunyo 20, 2024

HINDI TAYO PABABAYAAN

27 Hunyo 2024
Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo 
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27 


Tampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang papel ng isang babaeng itinalaga ng Diyos para sa isang napakahalagang gampanin sa kasaysayan ng Kaniyang dakilang pagtubos sa sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos nang buong linaw sa pamamagitan ng Kaniyang lingkod na si Propeta Isaias na darating sa mundong ito ang ipinangakong Mesiyas sa pamamagitan ng isang babae. Itinampok ang isang babae sa pangitain ni San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Ang babaeng ito ay nakatuntong sa buwan at may suot na koronang binubuo ng 12 bituin (Pahayag 12, 1). Sa Ebanghelyo, itinampok ng Poong Jesus Nazareno na nakabayubay sa Krus ang isang dakilang babae. Ang babaeng ito ay walang iba kundi ang Birheng Maria. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa titulo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen bilang Ina ng Laging Saklolo. Sa pamamagitan nito, ang napakahalagang papel ng Mahal na Birheng Maria sa buhay ng lahat ng mga Kristiyano ay buong linaw na pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Bilang mga kaanib ng tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay mga anak rin ng Mahal na Birheng Maria. Hindi lamang Ina ni Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria. Ina rin siya ng lahat ng mga Kristiyano. 

Bilang ating Ina, hindi tayo pababayaan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Lagi niya tayong sinasamahan upang tulungan, ipagsanggalang, at alagaan tayo. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag natin siyang Ina ng Laging Saklolo. Lagi siyang handang sumaklolo sa atin dahil tunay niya tayong iniibig bilang kaniya ring mga anak. Ganyan tayo ka-mahal ng Mahal na Birheng Maria. Hinding-hindi niya tayo pababayaan. 

Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ipinagkaloob sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maging atin ring Ina. Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na regaluhan tayo ng isang Ina - ang Kaniyang Inang si Maria. Isa lamang itong patunay na tayong lahat ay tunay na iniibig at kinahahabagan ng Panginoon. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Mahal na Poon para sa bawat isa sa atin, ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan Niyang maging bahagi ng Kaniyang pamilya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento