Sabado, Hunyo 1, 2024

BUNGA NG KANIYANG PAG-IBIG

9 Hunyo 2024 
Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Genesis 3, 9-15/Salmo 129/2 Corinto 4, 13-5, 1/Marcos 3, 20-35 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th/17th century) Christ Speaking to the Faithful, by Fernão Gomes (1548-1612), as well as the actual work of art itself from the Leiloeira São Domingos, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.


"Sa piling ng Poong D'yos may pag-ibig at pagtubos" (Salmo 139, 7). Buong linaw na inilarawan sa mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang temang nais talakayin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Ang ating mga pansin ay itinutuon ng Simbahan sa biyaya ng pagliligtas ng Panginoong Diyos na bunga ng Kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit lagi tayong nagkakatipon-tipon bilang Simbahan linggo-linggo. Kahit napapaloob tayo sa Karaniwang Panahon, lagi pa rin tayong nagkakatipon-tipon bilang Simbahan upang mag-alay ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Banal na Santatlo. Hindi lamang tayo nagkakatipon-tipon bilang Simbahan sa mga espesyal na panahon lamang gaya na lamang ng Adbiyento, Pasko ng Pagsilang, Kuwaresma, mga Mahal na Araw, Pasko ng Muling Pagkabuhay, at Kapistahan ng mga Santong Pintakasi ng iba't ibang mga pamayanan. Bagkus, bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, linggo-linggo tayo nagkakatipon-tipon upang handugan Siya ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba. Dahil dito, mayroon tayong obligasyon bilang mga Katoliko na magsimba tuwing Linggo. Kahit isang beses lamang sa loob ng sanlinggo, dapat natin itong ilaan para sa Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsisimba. Ito nga ang dahilan kung bakit ang Linggo ay tinatawag na araw ng Panginoon. 

Dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinangako ng Panginoong Diyos na ililigtas Niya ang sangkatauhan sa Unang Pagbasa. Bilang tugon sa pagkalugmok ng tao sa kasalanan, ipinasiya ng Panginoong Diyos na tubusin at palayain mula sa kasalanan ang sangkatauhan. Hindi Niya ipinasiyang pabayaan na lamang ang sangkatauhan na tuluyang mapahamak sapagkat ipinasiya nilang talikuran at suwayin Siya, kahit na ito mismo ang magiging dahilan ng kanilang pagkalugmok sa kasalanan. Ang pangakong binitiwan ng Diyos sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay sumasalamin sa Kaniyang pasiyang ibigin pa rin ang sangkatauhan. 

Hindi ikinubli ni Apostol San Pablo ang mga hirap, sakit, at pagdurusang hinarap at tiniis niya sa bawat sandali ng kaniyang misyon bilang apostol at saksi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakasentro sa ilan sa mga hirap, sakit, pagdurusa, pagsubok, at pag-uusig na kaniyang hinarap at tiniis sa bawat sandali ng kaniyang tungkulin at misyon bilang isang apostol at saksi ng Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Buong kababaang-loob na inihayag ni Apostol San Pablo na napakahirap ang kaniyang ginagawa bilang apostol at saksi ni Kristo. Subalit, dahil sa kaniyang tapat at dalisay na pananalig at pananampalataya sa Panginoon, nanatili pa rin siyang tapat sa kaniyang misyon. Isa lamang ang dahilan nito - naakit siya sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila na inihayag sa kaniya ni Jesus Nazareno. 

Mayroong dalawang bahagi ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagsalita nang patalinghaga tungkol sa Kaniyang misyon. Hindi Siya dumating sa mundong ito bilang kampon ng demonyo. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay dumating bilang ipinangakong sugo ng Diyos. Dumating sa daigdig na ito ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno upang tuparin ang kalooban ng Ama. Sa ikalawang bahagi naman ng salaysay sa Ebanghelyo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa pagiging bahagi ng Kaniyang pamilya. Kung nais nating maging bahagi ng pamilya ng Panginoong Jesus Nazareno, sundin rin natin ang kalooban ng Diyos. 

Niloob ng Diyos na iligtas at palayain tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin dahil tunay nga Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Sa pamamagitan nito, pinagkakalooban Niya tayo ng pagkakataong makapiling Siya magpakailanman. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Simbahan. 

Kusang-loob na ibinigay ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili upang tayong lahat ay mailigtas. Ihandog rin natin ang ating mga sarili sa Kaniya nang taos-puso. Ang ating taimtim na debosyon, pamamamanata, panananalig at pananampalataya sa Kaniya na nagligtas sa atin nang kusang-loob ay lagi nating isabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento