24 Hunyo 2024
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-65. 80
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1640) San Juan Bautista niño servido por dos ángeles by Juan del Castillo (1584–1640), as well as the actual work of art itself from the Museo de Bellas Artes de Sevilla, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang araw na ito ay isang napakahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan sapagkat inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang buong galak na ipagdiwang ang Pagsilang ni San Juan Bautista. Sa araw na ito, itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa papel na ginanap ni San Juan Bautista sa buhay ni Kristo. Napakahalaga ng papel ni San Juan Bautista sa buhay ng Poong Jesus Nazareno. Isinilang si San Juan Bautista upang maging tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dahil dito, ang araw ng kaniyang pagsilang sa mundo ay napakahalaga.
Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng kaganapang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito na walang iba kundi ang Pagsilang ni San Juan Bautista. Nanggilalas ang lahat sa pagiging mapagpala ng Diyos. Isa lamang patunay ng pagiging mapagpala ng Diyos si San Juan Bautista. Katunayan, ito ang kahulugan ng pangalang "Juan." Ang biyaya ng Diyos ay salamin ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ni San Juan Bautista na Kaniyang ipinagkaloob kina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak bagamat napakatanda na sila sa mga sandaling yaon. Sa kabila ng katandaan ng magkabiyak na sina Zacarias at Elisabet, niloob pa rin ng Diyos na pagkalooban sila ng isang anak. Ang hinirang at inatasang maging tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon ay Kaniyang ibinigay sa mag-asawang Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak.
Sa Unang Pagbasa, ang katotohanan ng pagkahirang at pagkatalaga ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga lingkod ay binigyan ng pansin. Bago pa man isilang sa mundo ang Kaniyang mga lingkod, mayroon na Siyang mga plano para sa kanila. Katunayan, mayroon na Siyang mga plano para sa ating lahat bago pa tayo isinilang sa mundong ito. Mayroong papel at misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Kapag ang misyong ito ay buong katapatan nating tatanggapin at tutuparin sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa, ipinalaganap natin ang biyaya ng Diyos.
Nakasentro rin sa katotohanang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa ang mga salita sa Salmong Tugunan. Sabi sa Salmong Tugunan: "Pinupuri Kita, D'yos ko, dahil ako'y nilikha Mo" (Salmo 138, 14a). Ang pasiya ng Panginoong Diyos na likhain ang bawat tao upang hirangin at italaga bilang Kaniyang mga lingkod ay pinagtuunan ng pansin sa mga taludtod sa Salmong Tugunan. Sa pamamagitan ng pasiyang ito na likhain tayo, binibigyan tayo ng Panginoong Diyos ng pagkakataong ipalaganap ang Kaniyang biyaya sa lahat, gaya ng Kaniyang nais para sa atin.
Habang inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa kung paanong ipinagkaloob ang Diyos ang pinakadakilang biyaya na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang papel at misyon ni San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno ay kaniya ring binanggit. Isinalungguhit ni Apostol San Pablo kung paanong hindi lumihis si San Juan Bautista mula sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Bagkus, ipinasiya niyang manatiling tapat sa misyong ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos. Sa pamamagitan ng pasiyang ito, naging tagapagpalaganap ng biyaya ng Diyos si San Juan Bautista.
May dahilan kung bakit mayroong misyong inilaan ang Diyos para sa atin. Ang bawat isa sa atin ay may mga misyon sa buhay. Galing sa Diyos ang ating mga misyon sa buhay. Kung tatanggapin at tutuparin natin ang misyong ibinigay ng Panginoon sa atin nang buong katapatan sa bawat sandali ng ating buhay, ipinapalaganap natin sa lahat ng ating mga patutunguhan ang Kaniyang biyaya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento