Biyernes, Hunyo 28, 2024

BIYAYANG KANIYANG LIKHA

30 Hunyo 2024 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7-9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1871) Ressurection of Jairus' daughter by Vasily Polenov (1844–1927), as well as the actual work of art itself from the Scientific-research Museum of the Russian Academy of Arts, is in the Public Domain ("No Copyright") ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 95 years or fewer because the author died in 1927. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.


Dalawang himala ng Poong Jesus Nazareno ang itinampok sa mahabang bersyon ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang unang himala ng Mahal na Poon ay ang pagkakagaling ng isang babaeng 12 taong dinudugo matapos niyang hipuin ang damit ng Mahal na Poon. Habang papunta sa bahay ni Jairo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang pagalingin ang kaniyang anak, isang babaeng 12 taong dinudugo ang nagpasiyang hipuin ang damit ni Jesus Nazareno sa paniniwalang titigil ang kaniyang pagdurugo at tuluyan siyang gagaling mula sa kaniyang karamdaman kapag ginawa niya ito. Ang ikalawang himala ng Poong Jesus Nazareno ay ang muli Niyang pagbuhay sa anak ni Jairo. 

Ano naman ang ugnayan ng dalawang himalang ito ng Panginoong Jesus Nazareno sa isa't isa? Ipinapaalala sa atin ng dalawang himalang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na isang biyaya mula sa Diyos ang buhay. Nabubuhay tayo dito sa mundong ito sapagkat niloob ito ng Panginoong Diyos. Bagamat hindi naman tayo karapat-dapat sa biyayang ito, niloob ng Diyos na ipahiram sa atin ang biyayang ito. Nais ng Diyos na maranasan natin ang biyaya ng buhay dito sa mundo, kahit na hiram lamang ang biyayang ito. 

Isinalungguhit sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang katotohanang nagmula sa Diyos ang buhay. Katunayan, nilikha ng Diyos ang biyaya ng buhay. Siya mismo ang bukod tanging dahilan kung bakit mayroong biyaya ng buhay. Ang biyaya ng buhay na kusang-loob Niyang ipinahiram Niya sa atin ay Kaniyang nilikha. Kung hindi ipinasiya ng Diyos na likhain ang biyaya ng buhay, walang nabubuhay ngayon. Walang laman ang daigdig na ito kung hindi nilikha ng Diyos ang buhay. Ito ang dahilan kung bakit malakas na inihayag sa Unang Pagbasa na nilikha ng Diyos ang tao upang "maging larawan Niyang buhay" (Karunungan 2, 23). Nakasentro rin sa katotohanang ito ang isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. Ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos na kusang-loob Niyang ipinahiram sa atin. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung ano ang dapat nating gawin. Dahil ipinahiram sa atin ng Diyos ang biyaya ng buhay na Kaniyang likha, ang bawat isa sa atin ay dapat maging mga salamin ng Kaniyang biyaya. Ipalaganap natin ang biyaya, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Maging daluyan tayo ng mga biyaya ng Diyos. Ang Panginoong Diyos na pinagmulan ng buhay ay ipinapakilala natin sa tanan kapag ipinasiya nating maging mga daluyan ng Kaniyang mga biyaya. 

Niloob ng Diyos na ipahiram sa atin ang biyaya ng buhay na Kaniyang likha dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Ipakilala natin Siya sa lahat. Maging biyaya tayo para sa kapwa. Ipalaganap natin ang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento