14 Hunyo 2024
Biyernes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 19, 9a. 11-16/Salmo 26/Mateo 5, 27-32
Isinalungguhit sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, nagtungo sa Horeb na bundok ng Diyos si Propeta Elias at iniulat sa mismong Panginoong Diyos ang kaniyang kalagayan sa mga sandaling yaon. Noon, si Propeta Elias lamang ang natira sa lahat ng mga propetang hinirang ng Panginoong Diyos upang iparating sa Kaniyang bayan ang Kaniyang mga salita. Mahirap ang kalagayan ni Propeta Elias sa mga sandaling yaon dahil siya lamang ang natira sa lahat ng propetang hinirang ng Panginoong Diyos. Hindi biro ang hirap at pagod ni Propeta Elias sa mga sandaling yaon. Katatapos lamang ng pagtutuos ng Panginoong Diyos at ng diyus-diyusang si Baal sa Bundok ng Carmelo kung saan nagtagumpay ang Panginoon laban kay Baal sa pamamagitan ng pagbaba ng apoy mula sa langit bilang tugon sa panalangin ni Elias. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Panginoon na Siya lamang ang Diyos.
Nagdulot ng kapanatagan ng loob kay Propeta Elias ang tugon ng Panginoong Diyos sa wakas ng tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Bilang tugon sa ulat ni Propeta Elias tungkol sa kaniyang kalagayan noon, inihayag ng Panginoon na may mga hari at propeta Siyang hinirang. Hinirang ng Panginoong Diyos si Jazael bilang hari ng Siria, si Jehu bilang hari ng Israel, at si Eliseo bilang propetang hahalili kay Propeta Elias na buong katapatang naglingkod sa Kaniya sa gitna ng mga pagod, hirap, at pag-uusig (1 Hari 19, 16). Ito ay isa lamang patunay na hindi Niya pinababayan ang Kaniyang mga tapat na lingkod. Mayroong plano ang Panginoong Diyos para sa kanila.
Buong linaw na isinalungguhit ng mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito na hindi pinababayaan ng Diyos ang Kaniyang mga tapat na lingkod. Lagi Niya silang kinakalinga, sinasamahan, at tinutulungan. Ang Kaniyang aruga, kagandahang-loob, awa, biyaya, habag, at pag-ibig ay laging ipinapakita, ipinaparamdam, at ibinubuhos sa kanila. Kung paanong ipinasiya ng mga tapat na lingkod ng Diyos na manatiling tapat sa Kaniya, gayon din naman, ipinasiya rin Niyang manatili tapat sa kanila. Hindi ipagkakait ng Diyos sa Kaniyang mga tapat na lingkod ang Kaniyang kagandahang-loob, aruga, pag-ibig, biyaya, habag, at awa.
Sa Ebanghelyo, isinentro ng Poong Jesus Nazareno ang katapatan ng magkabiyak ng puso sa isa't isa. Hindi dapat makiapid ang mga magkabiyak ng puso sapagkat ang mga magkabiyak ng puso ay isa lamang salamin ng pag-ibig ng Nuestro Padre Jesus Nazareno para sa Kaniyang Simbahan. Katunayan, ang mga salitang ito ni Kristo na inilahad sa Ebanghelyo ay maaari nating ituring na isang pasilip tungkol sa Kaniyang pahayag tungkol sa kasagraduhan ng Sakramento ng Pag-Iisang-Dibdib na kilala rin bilang Kasal kung saang buong linaw Niyang inihayag hindi dapat paghiwalayin ng sinumang tao dito sa mundo ang pinag-isa ng Diyos (Mateo 19, 6). Ito ang dahilan kung bakit sagrado ang Sakramento ng Pag-Iisang-Dibdib.
Ang Diyos ay hindi pabaya. Lagi Siyang tapat. Maging mga larawan at salamin nawa tayo ng Kaniyang walang maliw na katapatan sa atin. Ito ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito bilang mga tapat na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento