Sabado, Hunyo 8, 2024

KALUGUD-LUGOD SA KANIYANG PANINGIN

16 Hunyo 2024 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1505) Christ blessing by Giovanni Battista Cima da Conegliano (1459–1517) as well as the actual work itself from the Staatliche Kunstsammlungen Dresden via Gemäldegalerie Alte Meister, Dresda, is in the Public Domain ("No Copyright") under the Public Domain Mark 1.0 (PDM 1.0) Universal deed in its country of origins as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang dalawang talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, ang halaga ng kababaang-loob ay isinalungguhit ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Gaya ng butil na inihasik sa bukid sa unang talinghagang itinampok sa Ebanghelyo at ang butil ng mustasa sa ikalawang talinghagang itinampok sa Ebanghelyo, itinatampok at dinadakila ng Diyos ang mga mababang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob. Ang aral na ito ay ang nais isalungguhit ng dalawang talinghagang ito na inilahad ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. 

Nakasentro rin sa katotohanang kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob ang pahayag na itinampok sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Katunayan, nagmula mismo sa Panginoong Diyos ang pahayag na inilahad ni Propeta Ezekiel sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Buong linaw na isinalungguhit ng Panginoon sa pahayag na ito na inilahad ng Kaniyang propetang si Propeta Ezekiel sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa na kinalulugdan Niya ang mga mababang-loob. Sa pahayag na ito na inilahad sa Unang Pagbasa, inilarawan ng Panginoong Diyos kung ano ang Kaniyang gagawin sa mga mababang-loob sa pamamagitan ng paggamit ng larawan ng isang mababang punongkahoy. Ang mga mababang-loob ay Kaniyang itataas, itatampok, at dadakilain pagdating ng panahong Kaniyang itinakda. 

Isa lamang ang aral na nais isalungguhit ng pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ng Kaniyang lingkod na si Propeta Ezekiel sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa at ng dalawang talinghagang isinalaysay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang kababaang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob. Labis Niyang kinalulugdan ang mga nagpapasiyang mamuhay nang may kababaang-loob. Natutuwa Siya sa mga mababang-loob. 

Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang mga katangian ng mga mababang-loob. Buong linaw na isinalungguhit sa mga salitang inihayag sa Salmong Tugunan kung bakit ang mga mababang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Ang mga mababang-loob ay tunay at tapat sa kanilang pananalig, pananampalataya, pag-ibig, at pagsamba sa Diyos. Hindi nila ipinagkakait sa Diyos ang taos-pusong pananalig, pananampalataya, pag-ibig, at pagsamba sa Kaniya. Dahil dito, kinalulugdan sila ng Diyos. 

Hindi madaling maging mababang-loob. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa kung gaano kahirap mamuhay nang may kababaang-loob bilang saksi ni Kristo. May mga pagkakataon sa buhay kung saan haharap tayo sa mga matitinding pagsubok sa buhay. Subalit, ang mga may kabaabang-loob ay mananatili pa ring tapat sa Diyos dahil sa Kaniya lamang sila nananalig at umaasa. Kahit anuman ang mangyari, sa Panginoon pa rin ang kanilang katapatan sapagkat buong puso silang naniniwalang hindi sila bibiguin ng Panginoon.

Ang kababaang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Kung tunay tayong tapat sa ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno, lagi nating dapat pagsikapang mamuhay nang may kababaang-loob sapagkat ito ay tunay ngang kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Gaano man kahirap itong gawin, ito ang dapat lagi nating gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig sapagkat ito ang magpapatunay ng ating taos-pusong pananalig at katapatan sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento