Huwebes, Hunyo 27, 2024

MABIGAT NA RESPONSIBILIDAD

29 Hunyo 2024 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) San Pedro y San Pablo by Pablo Rabiella (–1719), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

Matapos ipahayag ni Apostol San Pedro na si Jesus Nazareno ay ang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas, inihayag sa kaniya ng Señor ang mga salitang ito sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong ringal sa araw na ito: "At sinasabi Ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Ko ang Aking Simbahan, at hindi makapananaig sa kaniya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay Ko sa iyo ang mga susi sa kaharian ng langit; anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit" (Mateo 16, 18-19). Nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang Dakilang Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa pagpapasalamat sa Diyos sa biyaya ng dalawang dakilang santo na sina Apostol San Pedro at San Pablo na ating pinararangalan at itinatampok sa araw na ito. Ang dalawang dakilang santong ito ay pinagkalooban ng mga mabibigat na pananagutan na kanilang tinupad nang buong katapatan hanggang sa huli. 

Hindi biro ang mga pananagutang inatasan sa dalawang dakilang apostol na ito na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Itinalaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang unang Santo Papa ng Simbahan si Apostol San Pedro habang si Apostol San Pablo ay Kaniya namang hinirang at itinalaga bilang apostol, misyonero, at saksi sa mga Hentil. Bagamat karangalan para sa kanila na mapili, mahirang, at maitalaga ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, isa rin itong napakabigat na pananagutan para sa dalawang dakilang apostol na ito. Marami silang hinarap at tiniis na hirap, sakit, at pag-uusig habang tinutupad nila ang kanilang misyon. 

Tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang pagtakas ni Apostol San Pedro mula sa bilangguan sa tulong ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kaniya. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagbigay ng isang maikling buod ng kaniyang buhay bilang apostol, saksi, at misyonero ng Nazareno sa mga Hentil. Isang bagay lamang ang nais isalungguhit ni Apostol San Pablo. Hindi biro ang mga pag-uusig, hirap, at sakit na kanilang pinagdaanan bilang mga apostol at saksi ni Kristo. 

Paano sila nagkaroon ng lakas na manatiling tapat sa Panginoon? Inilarawan ng mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang walang maliw na katapatan, pag-ibig, habag, at awa ng Panginoong Diyos. Dahil sa walang maliw na katapatan, awa, habag, at pag-ibig ng Panginoong Diyos, lagi Niyang tinutulungan ang Kaniyang mga lingkod. Dahil dito, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga apostol gaya na lamang nina Apostol San Pedro at San Pablo na manatiling tapat sa Panginoong Diyos na buong katapatan nilang iniibig, pinaglilingkuran, at sinasamba. 

Ang pananagutang inatasan ng Poong Jesus Nazareno sa dalawang dakilang apostol na sina Apostol San Pedro at San Pablo ay napakabigat at hindi madaling gawin. Ang katotohanang ito ay batid rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kailangan nila ng tulong sa bawat sandali ng kanilang misyon. Kaya naman, hindi Niya pinabayaan ang mga apostol gaya na lamang nina Apostol San Pedro at San Pablo at pati na rin ang iba pang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Hanggang ngayon, lagi pa rin Niyang sinasamahan at tinutulungan ang Kaniyang Simbahan. Hindi Niya pinababayaan ang Kaniyang Simbahan dahil tunay Niyang minamahal ang Kaniyang Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento