Biyernes, Hunyo 14, 2024

SA MGA SANDALI NG TAKOT AT PANGAMBA

23 Hunyo 2024 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Job 38, 1. 8-11/Salmo 106/2 Corinto 5, 14-17/Marcos 4, 35-41

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1596) Christ in the Storm on the Sea of Galilee by Jan Brueghel the Elder (1568–1625), as well as the actual work of art itself from the Thyssen-Bornemisza Museum via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1625. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.

"Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?" (Marcos 4, 40). Ito ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol matapos patahimikin ang napakalakas na unos sa Ebanghelyo. Sa mga salitang ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Pananalig sa Diyos sa mga sandali ng takot at pangamba. Mahirap pero hindi imposible. 

Hindi natin mapagkakailang bahagi ng buhay natin dito sa mundong ito ang takot at pangamba. Normal lamang sa buhay ng bawat isa sa atin dito sa mundong ito kung saan pansamantala lamang ang buhay. Mayroong tayong mga kinatatakutan bilang mga taong naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala. Ito ang katotohanan ng buhay natin bilang tao. Gaano pa katapang ang isang tao, mayroon pa rin siyang mga kinakatakutan at pinangangambahan. Bahag iyan ng buhay. 

Pinaalalahanan tayo ng mga Pagbasa sa Linggong ito na mayroon tayong maaaring lapitan sa mga sandali ng matitinding takot at pangamba. Maaasahan Siya sa lahat ng oras. Lagi Siyang kasama natin. Ang bawat isa sa atin ay Kaniyang tutulungan at ipagsasanggalang. Palalakasin Niya ang ating mga puso at loobin. Isa lamang ang makakagawa noon - ang Panginoong Diyos. Walang sandaling pababayaan tayo ng Diyos. Lumapit lamang tayo sa Kaniya. Tumungo tayo sa Kaniya. Papawiin Niya ang ating mga takot at pangamba. 

Sa Unang Pagbasa, buong linaw na isinalungguhit ng Panginoong Diyos sa Kaniyang pahayag kay Job ang Kaniyang kapangyarihan sa kalikasan. Inilarawan ng Diyos nang buong linaw kung paano Niya nilikha ang kalikasan. Dahil ang kalikasan ay Kaniyang nilikha, nasa ilalim ng Kaniyang kapangyarihan ang kalikasan. Ang kapangyarihan ng Diyos sa kalikasan ay pinatotohanan rin sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Sa biyaya ng pagbabagong kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Lagi tayong inaanyayahan ng Diyos na tanggapin ang biyayang ito na Kaniyang kaloob sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Ipinahiwatig ng Poong Jesus Nazareno ang bagong buhay na Kaniyang kaloob sa tanan sa pamamagitan ng mga salitang Kaniyang binigkas sa mga apostol matapos patahimikin ang napakalakas na bagyo sa Ebanghelyo. Sa piling ng Mahal na Poon, wala tayong dapat ikatakot at ikapangamba. Katunayan, ipinahiwatig rin ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pagtulog sa gitna ng bagyo. Gaya ng sabi sa isa sa mga masisikat na Salmo: "Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan, hindi ako matatakot pagkat Ikaw'y kaagapay; ang tungkod Mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang" (Salmo 23, 4). 

Lumapit tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga sandali ng matitinding takot at pangamba. Papawiin Niya ang ating mga takot at pangamba. Bukod pa roon, ang mga puso at loobin natin ay Kaniya ring palalakasin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento