28 Hunyo 2024
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
[Pagmimisa sa Bisperas]
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Separazione di san Pietro e di san Paolo by Giovanni Lanfranco (1582–1647), as well as actual work of art itself from the Louvre Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Sa Unang Pagbasa, ang biyaya ng kagalingang kaloob ng Poong Jesus Nazareno ay inihatid nina Apostol San Pedro at San Juan sa isang lalaking ipinanganak na lumpo. Nagsilbing mga daluyan ng biyaya ng Poong Jesus Nazareno si Apostol San Pedro na unang Santo Papa ng Simbahan at ang alagad na minamahal na si Apostol San Juan. Kumilos ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng dalawang apostol na ito na sina Apostol San Pedro at San Juan. Itinuon ni Apostol San Pablo ang pansin ng mga Kristiyano sa Galacia sa katotohanan tungkol sa kaniyang misyon bilang isa sa mga apostol at saksi ng Panginoong Jesus Nazareno sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Gaya ng iba pang mga apostol, si Apostol San Pablo ay dumating bilang isang biyaya ng Diyos. Ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay kaniyang ipinakilala sa kanila. Habang ipinakilala niya sa kanila si Jesus Nazareno, naging daluyan rin ng Kaniyang mga biyaya para sa kanila si Apostol San Pablo. Sa Ebanghelyo, si Apostol San Pedro ay itinalaga ni Jesus Nazareno bilang tagapag-alaga ng Kaniyang mga tupa matapos bigyan ang Kaniyang apostol na ito ng pagkakataong ipahayag ang kaniyang taos-pusong pag-ibig at katapatan para sa Kaniya.
Napakalaki at napakabigat ng pananagutang inatasan ng Poong Jesus Nazareno sa dalawang dakilang apostol na kinikilala at pinararangalan bilang dalawang dakilang haligi ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Bilang mga misyonero, saksi, at apostol ni Kristo, kinailangan ng dalawang dakilang apostol na ito na sina Apostol San Pedro at San Pablo na maglakbay nang napakalayo upang ipakilala sa tanan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos si Jesus Nazareno. Maraming pag-uusig silang hinarap at tiniis alang-alang sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, ipinasiya pa rin ng dalawang dakilang apostol na ito na manatiling tapat sa kanilang misyon bilang apostol, saksi, at misyonero ng Panginoon, gaano man kahirap itong gawin, hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay.
Ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan ang misyon at tungkuling tinupad ng dalawang dakilang apostol na ito na sina Apostol San Pedro at San Pablo at ng iba pang mga apostol. Hindi titigil ang Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita kailanman. Lagi siyang mananatiling tapat sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Gaano mang kahirap itong gawin, lagi pa ring pipiliin ng Simbahan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno lamang ang pipiliin, mamahalin, at sasambahin ng Simbahan magpakailanman. Ito ang dapat nating tandaan at gawin bilang mga bumubuo sa Simbahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento