8 Hunyo 2024
Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 18th century) Maria mit flammendem Herz, as well as the actual work of art itself from Dr. Fischer Kunstauktionen, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria ay tungkol sa Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno. Nang matagpuan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa Templo ang Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa ikatlong araw ng kanilang paghahanap sa Kaniya, binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang mga salitang ito sa salaysay ng kaganapang ito na inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo: "Anak, bakit naman ang ginawa Mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng Iyong ama sa paghahanap sa Iyo" (Lucas 2, 48). Mga salita ng isang inang labis na nag-aalala para sa kaniyang anak ang binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Hinanap ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose ang Batang Panginoong Jesus Nazareno sa loob ng tatlong araw. Buong linaw na isinalungguhit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang pag-aalala para sa kaniyang Anak na si Jesus Nazareno sa mga salitang kaniyang binigkas sa Ebanghelyo. Subalit, sa konteksto ng pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito, ang mga salitang ito ay itinatampok at binibigyan ng pansin ng Simbahan dahil ang temang nais pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito ay naka-ugat sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Ina.
Nakasentro sa paghahanap at paghahangad sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Katunayan, ito ang tema ng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Sa pamamagitan ng pagninilay sa temang ito, itinuturo sa atin ng Simbahan kung ano ang dapat nating gawin upang ang ating mga puso at loobin ay maging malinis at dalisay gaya ng Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria. Hanapin at hangarin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Sa Unang Pagbasa, isang napakahalagang mensahe mula sa Panginoong Diyos ang inilahad ni Propeta Isaias. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos sa nasabing mensahe kung ano ang dapat hangarin ng Kaniyang bayan. Ang dapat hangarin at panabikan ng Kaniyang bayan ay ang katuparan ng Kaniyang pangako. Ihahayag ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kaniyang pangako ang Kaniyang dalisay at tapat na dakilang pag-ibig para sa Kaniyang bayan. Mga salitang nagbibigay-papuri at pasasalamat sa Panginoon ay inilahad sa Salmong Tugunan. Ilan lamang sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Panginoong Diyos na hindi mabilang ay buong galak na inilarawan at pinatotohanan sa Salmong Tugunan.
Tayong lahat ay tinatanong sa araw na ito - sino o ano ang hinahanap natin? Sino o ano ang hinahangad, kinasasabikan, at pinananabikan natin? Inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan nang buong kataimtiman ang tanong na ito habang atin ring pinagninilayan ang kadalisayan, kalinisan, at katapatan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kaniyang pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Panginoon na sinasagisag ng kaniyang Kalinis-Linisang Puso.
Nais rin ba nating maging dalisay at busilak ang ating mga puso katulad ng Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria, ang ating Mahal na Ina? Hangarin ang Diyos. Laging hanapin, hangarin, at kasabikan ang Diyos. Pakinggan, tanggapin, at sundin natin sa bawat sandali ng ating buhay ang Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, ang taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos ay ating maipapahayag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento