Huwebes, Mayo 16, 2024

ISANG MAGANDANG BALITA

20 Mayo 2024 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 87/Juan 19, 25-34 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1626) Madonna by Bartholomäus Storer (1586–1635), as well as the actual work of art itself from the Cathedral of Konstanz, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or older, including the United States, due to its age. 

"Dinggin ang ulat sa inyong mabuting bagay, O lungsod ng Diyos" (Salmo 87, 3). Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito na buong galak na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Katunayan, ang mga salitang ito ay ang tema ng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang araw ng Lunes kasunod ng Pentekostes. May magandang balita para sa atin. Tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo ay bahagi ng pamilya ng Diyos.

Inilaan ng Simbahan ang araw ng Lunes kasunod ng Pentekostes para sa taimtim na pagninilay at paggunita sa titulo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen bilang Ina ng Simbahan. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging Ina ng Simbahan dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong itinalaga ng Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan. Habang nakabayubay sa Banal na Krus, ipinagkatiwala ng Panginoong Jesus Nazareno ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Sa mga sandaling yaon, si Apostol San Juan ay ang kumatawan sa Simbahan. Hindi lamang para sa minamahal na alagad na walang iba kundi si Apostol San Juan ang mga salitang binigkas ng Dakilang Saserdoteng si Jesus Nazareno. Bagkus, ang mga salitang ito ay para sa lahat ng mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poon.

Matapos malugmok sa kasalanan ang sangkatauhan dahil sa kasalanan nina Adan at Eba, ipinasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ang planong ito ay inihayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, habang tinutupad ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, ang dakilang planong ito na inihayag sa Unang Pagbasa, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang babaeng tinukoy sa pangakong binigkas ng Diyos sa Unang Pagbasa, ay Kaniyang itinalaga bilang Ina ng Kaniyang Simbahan. Kaya naman, sa alternatibong Unang Pagbasa, habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo, ang mga apostol at ang iba pang mga sinaunang Kristiyano ay sinamahan ng Mahal na Birheng Maria sa taimtim na pananalangin. 

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno na bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag, tayong lahat ay tunay na mapalad dahil tayong lahat ay kabilang ng Kaniyang pamilya. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ang patunay nito. Sa pamamagitan ng pagtatalaga sa Mahal na Inang si Maria bilang Ina ng Simbahan, ang dakilang pag-ibig ng Poong Jesus Nazareno para sa Simbahan ay nahayag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento