Linggo, Mayo 19, 2024

ISA LAMANG ANG DIYOS

26 Mayo 2024 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos [B] 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1633) Santísima Trinidad by the Circle of Antonio García Reinoso (1623–1677), as well as the actual work of art itself in the Museum of Fine Arts of Córdoba, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.


"Dahil dito, dapat ninyong malaman na sa langit at sa lupa'y walang ibang diyos liban sa Panginoon" (Deuteronomio 4, 39). Sa mga salitang ito na binigkas ni Moises nang buong lakas at linaw sa mga Israelita sa Unang Pagbasa nakasentro ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito. Ang Linggong ito ay inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang nang buong ringal ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos na kilala rin natin sa tawag na Banal na Santatlo. Ito ang pagkakilanlan ng tunay at nag-iisang Diyos na ating pinupuri, pinasasalamatan, at sinasamba nang taos-puso bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Tampok sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito ang pagsugo ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol noong magpakita Siya sa kanila sa Galilea. Matapos mabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, gaya ng paulit-ulit Niyang ipinangako, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita sa mga apostol sa Galilea. Nang magpakita Siya roon sa kanila, isinugo ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang mga apostol upang gawing Kaniya ring mga alagad ang lahat ng mga bansa dito sa daigdig sa pamamagitan ng pagbinyag sa kanila Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo (Mateo 28, 19). Buong linaw na inihayag ng Muling Nabuhay na Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito na iisa lamang ang Diyos. Subalit, may Tatlong Persona na bumubuo sa tunay at nag-iisang Diyos. Ang tunay at nag-iisang Diyos ay binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Inihayag ni Apostol San Pablo nang buong linaw sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang nang buong ringal sa Linggong ito ang loobin at hangarin ng Banal na Santatlo para sa atin. Nais ng Diyos na ibilang tayo sa Kaniyang pamilya. Kaya naman, tayong lahat ay laging pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo upang ang bawat isa sa atin ay tulungang makilala ang Amang nasa langit bilang ating Ama, gaya ng itinuro ng Poong Jesus Nazareno, ang Anak, sa panalanging Kaniyang itinuro. Bukod pa roon, tayong lahat tinutulungan ng Espiritu Santo na kilalanin bilang atin ring Kapatid ang Anak na si Jesus Nazareno. Ito ang katotohanang binibigyan ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng Diyos" (Salmo 32, 12b). Tayong lahat ay hinirang at itinalaga ng tunay na Diyos na binubuo ng Banal na Santatlo upang maging Kaniya. 

Hindi tatlo ang Diyos. Isa lamang ang tunay na Diyos. Subalit, ang tunay na Diyos ay binubuo ng Tatlong Persona. Ang Tatlong Personang bumubuo sa tunay na Diyos na isa lamang ay walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang bawat isa sa atin ay tunay at lubusang iniibig at kinahahabagan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento