Sabado, Mayo 25, 2024

TAGAPAGPALAGANAP NG KANIYANG PAG-IBIG

31 Mayo 2024 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1617) Mary visits her cousin Elizabeth, as well as the actual work of art itself from St. Paul's Church, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa kaganapang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Matapos ibigay ang kaniyang "Oo" sa misyong ibinigay sa kaniya ng Panginoong Diyos na ibinalita sa kaniya ng Arkanghel na si San Gabriel, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpasiyang tumungo sa bahay ng kaniyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadalantao rin gaya niya. Nang dumating ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa bahay nina Zacarias at Elisabet na kaniyang kamag-anak na nagdadalantao rin katulad niya, ang sanggol na dinadala ni Elisabet sa kaniyang sinapupunan na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa. 

Sa tampok na salaysay ng kaganapang ito na inilahad sa Ebanghelyo, buong linaw na isinalungguhit ang dahilan kung bakit gumalaw sa tuwa sa sinapupunan ni Elisabet ang sanggol na si San Juan Bautista sa mga sandaling yaon. Ang dahilan nito ay ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na dala-dala ng Mahal na Inang si Maria sa kaniyang sinapupunan. Dahil sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, napuspos ng tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista. 

Hindi mag-isang dumating sa bahay nina Zacarias at Elisabet ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Bagkus, dala ni Maria sa kaniyang sinapupunan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dahil dito, kinikilala rin natin bilang Simbahan ang Mahal na Birheng Maria bilang Kaban ng Bagong Tipan. Sa pamamagitan ng pagdadala sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ang Bagong Tipan ay kaniyang tinaglay at dinala saanman siya nagtungo. 

Buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Sofonias sa Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria, na makakapiling Niya ang Kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng pangakong ito na Kaniyang inihayag sa tanan nang buong linaw sa pamamagitan ni Propeta Sofonias, buong linaw na inihayag ng Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig na walang maliw para sa Kaniyang bayan. Sa pag-ibig na ito nakasentro ang mga salitang inilahad sa Salmong Tugunan. Dahil sa tapat at dakila Niyang pag-ibig na walang maliw, ipinasiya ng Panginoong Diyos na makapiling ang Kaniyang bayan. 

Isa lamang ang nais ituro ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito. Maging mga salamin ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Ibahagi natin sa lahat ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay dapat ipalaganap. 

Katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ipalaganap natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos na Kaniyang inihayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang ating misyon bilang Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento