Linggo, Mayo 26, 2024

SAKRAMENTO NG PAG-IBIG, HABAG, AT KABUTIHANG DAKILA

2 Hunyo 2024 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon [B] 
Exodo 24, 3-8/Salmo 115/Hebreo 9, 11-15/Marcos 14, 12-16. 22-26 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Before 1705) The Communion of the Apostles by Luca Giordano (–1705), as well as the actual work of art itself from the Museum of Fine Arts Boston, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1705. It is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
 

"Kunin ninyo; ito ang Aking Katawan . . . Ito ang Aking Dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami" (Marcos 14, 22-24). Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga alagad habang ibinabahagi ang tinapay at ang saro ng alak sa kanila sa tampok na salaysay ng Huling Hapunan na inilahad sa Ebanghelyo, itinatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, laging dumarating sa literal na pamamaraan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak upang ihandog ang Kaniyang sarili at ibigay ang Kaniyang Katawan at Dugong Banal bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay at nagliligtas. 

Ang Linggong ito ay inilaan ng Simbahan upang ituon ang ating mga pansin sa tunay na presensya ng Poong Jesus Nazareno sa Banal na Eukaristiya. Hindi lamang mga simbolo at sagisag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tinapay at alak sa tuwing idinadaos ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Bagkus, Siya talaga iyon. Lagi Siyang dumarating sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa upang ibahagi sa atin ang buo Niyang sarili sa atin. Kusang-loob na ibinibigay sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sarili Niyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin sapagkat tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Dahil dito, ang Banal na Misa ay ang sakramento ng dakilang pag-ibig ng Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa pagiging Dakilang Saserdote ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na itinampok at binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Bilang Dakilang Saserdote, ang Poong Jesus Nazareno ay kusang-loob na nag-alay ng sarili para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at kaligtasan ng sangkatauhan. Minsan Niya itong ginawa sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, lagi Siyang dumarating sa anyo ng tinapay at alak upang ialay muli ang buo Niyang sarili para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at ikaliligtas ng sangkatauhan. Ipinapahayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito ang Kaniyang dakilang pag-ibig na hindi magmamaliw kailanman. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nakipagtipan sa bayang Israel. Dugo ng mga hayop ang ginamit bilang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos sa mga Israelita. Sa Bagong Tipan, ang Panginoong Diyos ay nakipagtipan sa buong sangkatauhan. Ang tanda ng walang hanggang tipang ito ay walang iba kundi ang Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Dakilang Saserdoteng si Jesus Nazareno. Dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumuo ng isang tipang walang hanggan sa pamamagitan mismo ng Dakilang Saserdoteng si Jesus Nazareno. 

Isinalungguhit sa mga unang taludtod ng Salmong Tugunan ang walang maliw na kabutihan at pag-ibig ng Diyos. Hindi mapapantayan o mahihigitan kahit kailan ang dakilang pag-ibig, habag, at kabutihan ng Panginoon. Gaya ng nasasaad sa nasabing taludtod: "Sa Diyos ko't Panginoon, ano'ng aking ihahandog / sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?" (Salmo 115, 12). Ang pag-ibig, habag, at kabutihan ng Diyos ay walang kapantay at walang katulad. Tunay nga itong dakila. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Jesus Nazareno ay laging dumarating upang ibigay sa atin ang Kaniyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay at nagliligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento