7 Hunyo 2024
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno [B]
Oseas 11, 1.3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37
This faithful photographic reproduction of the painting L'Apparition du Sacré-Coeur à sainte Marguerite-Marie from the Église Saint-Charles-Borromée (Charlesbourg) which was made available by Wilfredo Rafael Rodriguez Hernandez is made available under the Creative Commons CC0 1.0 Universal Public Domain Dedication.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ay tungkol sa mga naganap matapos malagutan ng hininga mula sa Banal na Krus ang Panginoong Jesus Nazareno. Dumaloy ang dugo at tubig mula sa tagiliran ng Nuestro Padre Jesus Nazareno matapos itong inulos ng isa sa mga kawal roon gamit ang isang sibat (Juan 19, 34). Layunin ng Simbahan sa pamamagitan ng taimtim na pagninilay sa sandaling ito na itinampok sa salaysay sa Mabuting Balita para sa Dakilang Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa lahat na sinasagisag ng Kamahal-Mahalang Puso ng Poong Jesus Nazareno.
Dugo at tubig. Isa lamang ang ibig sabihin nito. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay tunay. Tunay Niya tayong iniibig. Ibinuhos Niya ang lahat para sa atin bilang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ang Bugtong na Anak Niyang si Jesus Nazareno ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa atin bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ipagkaloob ang Poong Jesus Nazareno sa lahat bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas.
Nakasentro rin sa dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa lahat ang iba pang mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Inilahad ni Propeta Oseas ang pahayag ng Panginoong Diyos tungkol sa Kaniyang pag-ibig para sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inilarawan ng Diyos sa pahayag na ito na inilahad ni Propeta Oseas sa Unang Pagbasa na nananatili ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang Panginoon ay laging tapat sa Kaniyang bayan, kahit na ilang ulit Siyang tinalikuran ng Kaniyang bayan. Isa lamang ang dahilan kung bakit ito ang pasiya ng Diyos - ang Kaniyang dakilang pag-ibig na hindi magmamaliw o maglalaho kailanman. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang layunin ng kaniyang pagmimisyon bilang isa sa mga apostol at saksi ng Panginoong Jesus Nazareno - makilala Siya ng lahat bilang Panginoon at Diyos na mapagmahal.
Inilarawan sa Salmong Tugunan ang ilan sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig. Sa taludtod na inihayag sa Pagbubunyi sa Mabuting Balita habang inaawit ang "Aleluya," inilarawan nang buong linaw ang pinakadakilang gawa ng Diyos na nagpapahayag ng Kaniyang dakilang pag-ibig. Si Kristo Hesus, ang Nazareno, ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa sangkatauhan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Tunay nga tayong minamahal ng Diyos. Hindi mabibilang ninuman ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig para sa lahat. Ang Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ay ang sagisag nito. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos na isinasagisag ng Kamahal-Mahalang Puso, ang sangkatauhan ay ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng Kabanal-Banalang Krus at Muling Pagkabuhay ng Dakilang Saserdoteng si Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento