Sabado, Mayo 18, 2024

HARI AT HUKOM NA MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL

24 Mayo 2024 
Biyernes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Santiago 5, 9-12/Salmo 102/Marcos 10, 1-12 

SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 30 Abril 2024 (Martes) (Quiapo Church Facebook and YouTube


Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa kasagraduhan ng pag-iisang-dibdib sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Inihayag ng Poong Jesus Nazareno na sa simula pa lamang ay niloob na ng Panginoong Diyos na magsama-sama bilang magkabiyak ng puso ang isang lalaki at ang isang babae. Kaya nga, hindi lamang sila kilala bilang mag-asawa kundi bilang magkabiyak ng puso. Magkabiyak ng puso ang tawag sa kanila dahil magkaugnay sila sa puso at kaluluwa. Ito rin ang bukod tanging dahilan kung bakit tinatawag ring pag-iisang-dibdib ang kasal. 

Subalit, ipinakilala ni Apostol Santo Santiago ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hukom sa kaniyang pangaral na itinampok sa Unang Pagbasa. Ano naman ang ugnayan ng pangaral na ito ni Apostol Santo Santiago sa pahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa pag-iisang-dibdib sa Ebanghelyo? Ang Dakilang Hukom na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa Kaniyang mga utos. Sa pamamagitan ng pangaral na ito, ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno kung ano ang niloob ng Panginoong Diyos noon pa mang una. Sa halip na magkahiwalay ang mga mag-asawa, nais ng Diyos na magsama sila habambuhay. 

Isang paanyaya para sa lahat ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Tayong lahat ay inaanyayahang magpuri at magpasalamat sa Panginoong Diyos dahil tunay Siyang nagmamagandang-loob, mahabagin, maawain, at mapagmahal. Ang mga salita ni Apostol Santo Santiago sa kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang gabay para sa bawat isa sa atin upang tulungan tayo sa paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon.

Mapalad tayong lahat sapagkat ang ating Hari at Hukom ay tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Siya'y walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento