23 Mayo 2024
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari [B]
Jeremias 31, 31-34 (o kaya: Hebreo 10, 11-18)/Salmo 109/Marcos 14, 22-25
"Precious Blood of Jesus Christ," Pinterest.
"Darating ang panahon na gagawa Ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda. Ito'y [hindi katulad] ng tipang ginawa Ko sa kanilang mga ninuno nang ilabas Ko sila sa Ehipto" (Jeremias 31, 31). Sa mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagdiriwang at taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang espesyal na araw na ito upang ipagdiwang ang pagkapari ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Si Jesus Nazareno ay ang tunay at walang hanggang Pari. Dumating sa sansinukob ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang tuparin ang pangako ng Diyos na maraming ulit Niyang inihayag sa tanan sa Lumang Tipan. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang titulong Walang Hanggan at Dakilang Saserdote ay isa sa Kaniyang mga titulo.
Sa alternatibong Unang Pagbasa, isinalungguhit ang pagiging Dakilang Saserdote ng Poong Jesus Nazareno. Bilang Dakilang Saserdote, inihandog ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa Krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at ikaliligtas ng buong sangkatauhan. Isinalungguhit naman sa Salmong Tugunan na walang hanggan ang pagkapari ng Nazareno. Ginamit ang pagkapari ni Melquisedec upang isalungguhit kung anong uri ng pari ang Panginoon. Si Melquisedec ay isang larawan ng uri ng pagkapari ni Kristo. Inilarawan niya ang pagkapari ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inilahad ang salaysay ng pagtatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang Sakramentong ito ay tatag mismo ni Jesus Nazareno, ang Dakilang Saserdote.
Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Dakilang Saserdote. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Walang Hanggan at Dakilang Saserdote sapagkat tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento