Sabado, Mayo 11, 2024

BAGONG BUHAY NA KALOOB NG ESPIRITU SANTO

19 Mayo 2024 
Linggo ng Pentekostes [B] 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 15, 26-27; 16, 12-15)

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1631) Pentecost by Giovanni Lanfranco (1582–1647), as well as the actual work of art itself from the Pinacoteca civica (Fermo), is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

"Espiritu Mo'y suguin, Poon, tana'y 'Yong baguhin" (Salmo 103, 30). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito, ang Linggo ng Pentekostes. Ang Linggo ng Pentekostes ay isang araw na tunay ngang napakaespesyal at napakahalaga para sa Simbahan. Bukod sa pagiging huling Linggo sa kapanahunan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, itinuturing na kaarawan ng Simbahan ang Linggong ito. Buong galak na ginugunita ng Simbahan ang simula ng misyon ng mga apostol sa tuwing sasapit ang Linggo ng Pentekotes taun-taon. Matapos tanggapin ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu Santo na pumanaog sa kanila, sinimulan ng mga apostol ang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na maging Kaniyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. 

Ang maringal na pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes ay nakasentro sa biyaya ng pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Gaya ng inilarawan sa salaysay ng pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito, tinanggap ng mga apostol ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo sa kanila. Dahil ipinasiya ng mga apostol na tanggapin ang biyaya ng pagbabagong dulot sa kanila ng Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa, buong lakas, tapang, at sigasig nilang sinimulang gampanan ang misyong ibinigay sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Hindi sila natakot maging mga saksi ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno na handang ipamalita sa tanan ang Mabuting Balita ng kaligtasan, anuman ang mangyari sa kanila. 

Sa pamamagitan ng pagtanggap sa biyaya ng pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo, pinahintulutan ng mga apostol ang Espiritu Santo na maging kanilang patnubay, gaya ng inilarawan sa simula ng Ikalawang Pagbasa (1 Corinto 12, 3b). Katunayan, ito rin ang tinukoy ni Apostol San Pablo sa alternatibong Ikalawang Pagbasa (Galacia 5, 16). Ipinasiya ng mga apostol na tanggapin nang buong kababaang-loob at pananalig ang biyaya ng pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan nito, ang iba pang mga bunga ng Espiritu Santo na inilarawan sa alternatibong Ikalawang Pagbasa ay tinanggap rin ng mga apostol (Galacia 5, 22). Dahil dito, nanatili silang tapat sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. 

Inihayag ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Banal na Ebanghelyo na isinusugo Niya sila (Juan 20, 21). Sabi rin Niya sa isa sa Kaniyang mga pangaral sa kanila na inilahad sa alternatibong Ebanghelyo na ipagkakaloob sa kanila ang Espiritu Santo upang maging kanilang Patnubay (Juan 15, 26). Ang Espiritu Santo ang tutulong sa mga apostol sa pagtupad nila ng kanilang misyon bilang mga tapat na saksi ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hanggang ngayon, ang Simbahan ay patuloy na pumapatnubay sa Simbahan. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ng Espiritu Santo na tanggapin ang bagong buhay na kaloob Niya sa atin. Ano ang ating pasiya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento