12 Mayo 2024
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat [B]
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (o kaya: 4, 1-13; o kaya: 4, 1-7. 11-13)/Marcos 16, 15-20
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1617) Ascension of Jesus Christ by Artus Wolffort (1581–1641), as well as the actual work of art itself from St. Paul's Church in Antwerp, Belgium, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
"Habang umaakyat ang Diyos, ang tambuli'y tumutunog" (Salmo 46, 6). Nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang Linggong ito ay inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Gaya ng sabi sa Kredo na dinarasal natin bilang Simbahan linggo-linggo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay "umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat." Nabanggit ito ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa nang buong linaw nang kaniyang sabihing si Jesus Nazareno ay muling binuhay ng Diyos at iniluklok sa Kaniyang kanan (Efeso 1, 20).
Ang kaganapang ipinagdiriwang sa Linggong ito, ang Pag-Akyat sa Langit ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ay inilahad sa mga tampok na salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng Pag-Akyat sa Langit ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno mula sa mga Gawa ng mga Apostol. Sa Ebanghelyo, itinampok naman ang salaysay ni San Marcos tungkol sa napakahalagang kaganapang ito sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa daigdig na ito. 40 araw matapos mabuhay na mag-uli, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay umakyat sa langit. Ang kaganapang ito ay napakahalaga sapagkat ito ang hudyat na tapos na ang misyon ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kinumpleto na Niya ito.
Sa dalawang salaysay ng napakahalagang kaganapang ito sa buhay ng Panginoon sa mundong ito na itinatampok sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo, inihayag Niya sa mga apostol na mayroon silang misyon. Ang sabi ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol bago Siya umakyat sa langit sa Unang Pagbasa na hinirang at iniatasan Niya sila upang sumaksi sa Kaniya sa bawat panig at sulok ng daigdig (Mga Gawa 1, 8). Bilang Kaniyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig, ipangangaral ng mga apostol ang Mabuting Balita sa lahat at binyagan ang lahat ng mga sasampalataya sa Mabuting Balita (Marcos 16, 15-16). Hindi lamang hudyat ng wakas ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang Kaniyang Pag-Akyat sa Langit. Bagkus, hinuhudyatan rin nito ang simula ng misyon ng Simbahan na sisimulan ng mga apostol na kilala rin sa tawag na Ebanghelisasyon o pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Bilang mga saksi ni Kristo, maraming pag-uusig na hinarap at tiniis ng mga apostol at ng mga sinaunang Kristiyano. Gaya na lamang ni Apostol San Pablo na isang dating taga-usig ng mga Kristiyano. Naging isang Kristiyano si Apostol San Pablo matapos magpakita sa kaniya sa daan patungong Damasco ang Panginoong Muling Nabuhay. Kahit na si Apostol San Pablo ay nagpabinyag bilang tanda ng kaniyang taos-pusong pagtanggap at pagpanig kay Kristong Muling Nabuhay, hindi siya naging ligtas mula sa iba't ibang uri ng pag-uusig dahil ipinasiya niyang pumanig sa Panginoon. Subalit, hindi niya pinagsisihan ang kaniyang pasiyang pumanig kay Kristo. Ang pasiyang ito ay pinili niyang panindigan at ipaglaban hanggang sa huli. Katunayan, siya mismo ang nagpahiwatig ng kaniyang pasiyang ito sa mga unang salita ng kaniyang pangaral sa mga taga-Efeso na inilahad sa alternatibong Ikalawang Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong ringal sa Linggong ito: "Ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa tinawag ng Diyos" (Efeso 4, 1).
Isa lamang ang dahilan kung bakit hinirang at iniatasan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga apostol na maging Kaniyang mga saksi sa iba't ibang bansa sa daigdig. Nais ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na malaman ng lahat ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng daigdig na mayroon silang pagkakataong makapiling Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Ang mga pintuan ng langit ay binuksan ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Dahil sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay iniligtas Niya. Sa pamamagitan nito, binuksan Niya ang pintuan ng langit para sa atin.
Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, ang Kaniyang Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan nito, ang mga pintuan ng Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ay binuksan Niya para sa bawat isa sa atin. Isa lamang ang dahilan kung bakit ito ang ipinasiya Niyang gawin para sa atin - nais Niya tayong makasama sa langit magpakailanman.
Umakyat sa langit ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno upang ipahayag sa lahat na mayroon tayong pagkakataong matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Tayong lahat ay mayroong misyon bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Maging Kaniyang mga saksi. Sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya, ipinaparating natin sa lahat ng mga tao ang paanyaya ng Muling Nabuhay na si Kristo Hesus na makapiling at makasama Siya sa kaharian Niyang maluwalhati at walang hanggan sa langit magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento