17 Mayo 2024
Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 25, 13b-21/Salmo 102/Juan 21, 15-19
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1616) Christ's Charge to Peter by Peter Paul Rubens (1577–1640), as well as the actual work of art itself from The Wallace Collection in London via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Tampok sa salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito ang tatlong ulit na pagtatanong ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro kung tunay nga ba Siya minamahal ng alagad Niyang ito. Matatandaang tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro ang Panginoong Jesus Nazareno noong hinatulan Siya ng kamatayan ng Sanedrin. Sa pamamagitan ng tatlong ulit na pagtatanong na ito sa Kaniyang apostol na ito, pinagkalooban ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno si Apostol San Pedro ng pagkakataong humingi ng kapatawaran at awa mula sa Kaniya upang maging tapat at dalisay ang pag-ibig ng apostol na ito na hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng Simbahan.
Subalit, hindi lamang binigyan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ng pagkakataon si Apostol San Pedro na maipahayag ang kaniyang pag-ibig na tapat at dalisay. Bagkus, inilarawan rin ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang katotohanan tungkol sa misyon at tungkulin ni Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag. Maraming hirap, pagdurusa, sakit, pag-uusig, tukso, at pagsubok na haharapin at titiisin ni Apostol San Pedro, gaya ng iba pang mga apostol. Katunayan, hindi lamang si Apostol San Pedro ang haharap, titiis, at dadanas ng maraming hirap, pagdurusa, sakit, pag-uusig, tukso, at pagsubok sa buhay alang-alang sa tunay na Simbahang tatag ni Jesus Nazareno. Ang mga kapwa niyang apostol at ang iba pang mga bumubuo sa Simbahan ay humarap rin sa mga matitinding hirap, pagdurusa, sakit, at pag-uusig alang-alang sa Panginoon. Gaya na lamang ni Apostol San Pablo sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa.
Ipinakilala sa Salmong Tugunan ang pinatotohanan ng mga apostol at ng iba pang mga sinaunang Kristiyano nang buong sigasig - ang Panginoong nakaluklok sa langit (Salmo 102, 19a). Ang misyong ito na ibinigay ni Kristo sa mga apostol ay patuloy na tinutupad ng Simbahan sa kasalukuyang panahon. Hindi titigil ang Simbahan sa tapat na pagsaksi kay Kristo dahil tunay niyang minamahal si Kristo.
Ang tanong ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro ay para rin sa atin. Tunay ba nating iniibig si Jesus Nazareno? Handa ba tayong maging tapat sa Kaniya, anuman ang mangyari?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento