4 Agosto 2024
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1629 and 1631) The Veneration of the Eucharist by Jacob Jordaens (1593–1678) is made available by the National Gallery of Ireland under a Creative Commons Attribution 4.0 International (CC BY 4.0) License.
"Panginoon ang nagbibigay ng pagkaing bumubuhay" (Salmo 77, 24k). Inilarawan ng mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang temang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan na tayong lahat ay kinaaawaan at kinahahabagan ng Diyos. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, tayong lahat ay ipinasiya Niyang kalingain, arugain, at ipagsanggalang. Lagi Niyang ipinagkakaloob sa atin ang mga kailangan natin bilang patunay nito.
Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pasiya ng Panginoon na ipagkaloob sa mga Israelita sa ilang ang pagkaing mula sa langit, ang manna, sa kabila ng kanilang pagiging mareklamo. Kahit na narinig ng Panginoong Diyos mula sa langit na hinangad ng mga Israelita na hinayaan na lamang silang mamatay bilang mga alipin sa Ehipto sapagkat mayroon silang makakain roon, ipinasiya pa rin Niyang ipakita ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ipagkaloob ang manna sa kanila.
Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang pagkaing nagbibigay-buhay na nagmula sa langit. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang magpakilala bilang pagkaing nagbibigay-buhay na nagmula sa langit. Layunin ng Poong Jesus Nazareno na isinalungguhit sa Kaniyang mga tagapakinig na tunay ngang mahabagin at maawain ang Diyos. Hindi manhid ang Diyos. Mayroon Siyang habag at awa. Ang pinakadakilang patunay ng pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay walang iba kundi ang pagkaing nagbibigay-buhay na nagmula sa langit na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas - si Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak.
Inilarawan naman ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang biyayang ipinagkakaloob ng tunay na pagkaing nagbibigay-buhay na nagmula sa langit na walang iba kundi si Jesus Nazareno sa lahat ng mga tatanggap sa Kaniya sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya - ang biyaya ng bagong buhay. Ang biyayang ito ay isang buhay na katulad Niya - bagong buhay na puno ng kabanalan. Hindi na tayo dapat bumalik sa dating pamumuhay. Bagkus, dapat nating tanggapin ang biyaya ng bagong buhay na ito na kaloob ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ipinapakilala natin si Jesus Nazareno bilang tunay na pagkaing nagbibigay-buhay na ibinigay ng Diyos sa lahat dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa.
Ang pagkaing nagbibigay-buhay na nagmula sa langit ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa mundo upang ipagkaloob sa tanan ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas at ang biyaya ng bagong buhay na kaloob Niya. Ito ang pinakadakilang patunay ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento