6 Agosto 2024
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon [B]
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1760) The Transfiguration by Johann Georg Trautmann (1713–1769), as well as the work of art itself from the Städel Museum, is in the Public Domain (PDM 1.0 - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
"Ito ang minamahal Kong Anak. Pakinggan ninyo Siya!" (Marcos 9, 7). Buong linaw na binigkas ng Diyos Ama mula sa langit ang mga salitang ito matapos imungkahi ni Apostol San Pedro ang Poong Jesus Nazareno na manatili na lamang sa bundok kung saan naganap ang Kaniyang Pagbabagong-Anyo na inilahad sa salaysay sa Banal na Ebanghelyo. Sa mga mismong salitang ito na buong linaw na binigkas ng Diyos Ama mula sa langit sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na itinampok sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan.
Ang pangitain ni Propeta Daniel tungkol sa isang nabubuhay magpakailanman na paglilingkuran ng lahat ng mga tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sa mundo ay itinampok sa Unang Pagbasa. Ipinakilala ng Diyos Ama sa Mabuting Balita kung sino ito - ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno na ipinagkaloob Niya sa lahat bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Gaya ng buong linaw na binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "Panginoo'y maghahari, lakas N'ya'y mananatili" (Salmo 96, 1a at 9a). Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ang nakita nilang tatlo ng dalawang anak ni Zebedeo na sina Apostol Santo Santiago El Mayor at Apostol San Juan sa bundok na iyon noong araw na nagbagong-anyo si Kristo.
Marahil ilang ulit na nating napakinggan at pinagnilayan ang aral na ito. Subalit, isa itong napakahalagang aral na hindi natin dapat limutin bilang mga Kristiyano. Aminin natin, madalas natin itong nakakalimutin. Kung hindi man ito nakakalimutan, gagawa tayo ng dahilan - ang madalas na dahilan ay mahirap gawin.
Bilang mga tunay na Kristiyano, dapat nating pakinggan at sundin sa bawat sandali ng pansamantala nating paglalakbay sa daigdig na ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaano mang kahirap itong gawin, kung tunay tayong tapat sa ating pagmamahal at pagsamba sa Diyos, ito ang ating magiging pasiya sa lahat ng oras. Pakinggan at sundin si Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento