9 Agosto 2024
Biyernes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Nahum 2, 1. 3; 3, 1-3. 6-7/Deuteronomio 32/Mateo 16, 24-28
SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH 4AM #OnlineMass • 02 August 2024 • Friday of the 17th Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
"Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan" (Deuteronomio 32, 39k). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na isang biyaya mula sa Panginoong Diyos ang ating buhay. Tayong lahat ay pansamantalang namumuhay sa mundong ito dahil ipinasiya ng Panginoong Diyos na ipahiram sa atin ang biyaya ng buhay. Darating ang panahon na lilisanin natin ang mundong ito at ibabalik natin sa Kaniya ang biyayang ito na Kaniyang ipinahiram sa atin.
Layunin ng Panginoong Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong makapagpasiya para sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng biyaya ng buhay. Nais man ng Panginoong Diyos na isama tayong lahat sa langit, wala Siyang magagawa kung hindi ito ang ating pasiya. Igagalang ng Panginoong Diyos ang ating kalayaan sa pagpapasiya. Tayo mismo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang paanyayang ito ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan nang buong linaw kung ano ang sasapitin ng lahat ng mga magpapasiyang suwayin ang Diyos. Ang lahat ng mga magpapasiyang suwayin at itakwil ang Diyos ay parurusahan. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung ano ang dapat gawin ng mga nagnanais sumunod sa Kaniya - talikuran at limutin ang sarili, pasanin ang sariling krus, at sumunod sa Kaniya. Hindi biro ang hirap nito. Subalit, kung ito ang pipiliin nating gawin hanggang sa huli, buhay na walang hanggan sa piling ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ay ating matatamasa.
Habang tayong lahat ay patuloy na naglalakbay nang pansamantala sa daigdig na ito, tayong lahat ay laging tinatanong kung paano nating gagamitin ang biyaya ng buhay na ipinahiram sa atin ng Panginoon. Gagamitin ba natin ito bilang pagsasanay para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento