29 Agosto 2024
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1650) The Beheading of Saint John the Baptist by François Perrier (1594–1649), as well as the actual work of art itself from the National Trust for Places of Historic Interest or Natural Beauty, is in the Public Domain (PDM 1.0 - Public Domain Mark 1.0 Universal - "No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1649. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
"Hindi ka nila matatalo sapagkat Ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito" (Jeremias 1,19). Sa mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Diyos sa wakas ng Unang Pagbasa nakatuon ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa paggunita sa kagitingan at katapatan ng tagapaghanda ng daraanan ng Poong Jesus Nazareno na si San Juan Bautista bilang martir. Ang salaysay ng kaniyang pagkamatay bilang martir ay tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito.
Sa salaysay ng pagkamatay ni San Juan Bautista bilang isang martir na inilahad at itinampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito, napakalinaw na hindi natakot si Juan Bautista na harapin ang kaniyang kamatayan bilang isang martir ng Panginoon. Hindi natakot sa kapangyarihan nina Herodes Antipas at Herodias si San Juan Bautista. Sa halip na matakot kina Herodes Antipas at Herodias, ipinasiya ni San Juan Bautista na manalig sa Diyos na kaniyang pinaglingkuran nang buong katapatan. Gaya ng sabi sa unang taludtod ng Salmo para sa araw na ito: "Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig" (Salmo 70, 1). Ang pananalig ni San Juan Bautista sa Panginoong Diyos ay ang dahilan kung bakit buong kagitingan niyang hinarap at tinanggap ang kaniyang kamatayan bilang isang martir ng Panginoong Diyos. Dahil sa kaniyang pananalig na tunay ngang taos-puso, ipinasiya ni San Juan Bautista na ialay ang kaniyang buong sarili sa Diyos na walang takot niyang pinaglingkuran.
Mayroon ngang kabalintunaan sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang natakot ay ang may hawak ng kapangyarihan. Dalawang beses na natakot si Herodes Antipas dahil kay San Juan Bautista. Natakot siyang patayin si San Juan Bautista dahil alam niyang propeta ang turing sa kaniya ng nakararami. Bukod pa roon, natakot rin siyang bawiin ang kaniyang pangako na kaniyang binitiwan sa anak na babae ni Herodias na sumayaw para sa kaniya sa piging na inihanda para sa kaniyang kaarawan. Subalit, sa halip na matakot kay Herodes Antipas at Herodias, ipinasiya ni San Juan Bautista na panaligan ang Mahal na Poon nang buong katapatan at kagitingan hanggang sa huli, kahit na ang kapalit nito ay ang kaniyang buhay.
Wala tayong katatakutan sa mundo kung tunay tayong nananalig at naglilingkod sa Diyos, gaya ni San Juan Bautista. Ang taos-puso nating pananalig sa Panginoon ang tutulong sa atin na magtagumpay laban sa mga kinatatakutan natin sa buhay. Laging sinasamahan ng Panginoon ang mga nananalig at naglilingkod sa Kaniya nang taos-puso. Dahil dito, may katatagan ng loob ang mga nananalig at naglilingkod sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento